Ilang Mahahalagang Punto Laban sa Programang K-12 ng Administrasyong Aquino


http://anakbayanuplb.wordpress.com/tag/k12-watch/

Ang K-12 (kinder to grade 12) ay isang programang naglalayong palitan ang kurikulum ng elementarya at sekuundaryang edukasyon sa Pilipinas at dagdagan ito ng dalawang taon. Noong nakaraang taon, inumpisahan ang programa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng universal kindergarten. Ngayong Hunyo naman ay uumpisahan na ang bagong kurikulum para sa mga mag-aaral na papasok ng grade 1 at first year highschool na ngayon ay tinatawag na grade 7.
Ayon sa Department of Education (DepEd), ang K-12 umano ang solusyon ng administrasyon ng Pang. Benigno S. Aquino III sa lumalalang krisis sa edukasyon. Gayunpaman, mariin itong tinututulan ng mga kabataan, mag-aaral, guro, kawani, magulang at ng buong komunidad dahil sa kawalan ng programa ng makabuluhang batayan at sapat na paghahanda at panustos ng gobyerno para rito. Ang hilaw na pagpapatupad ng K-12 ay maaaring makapagpalala pa ng sitwasyon.
Narito ang ilan sa mga batayan ng DepEd sa pagpapatupad ng K-12 at ang ating paglalantad sa kahungkagan ng programang ito:
I. Ayon sa DepEd: Ang K-12 ang solusyon sa dumaraming bilang ng out-of-school youth.
Sa katunayan: Ang pangunahing dahilan ng pagdami ng out-of-school youth ay ang kakulangan ng pantustos sa pag-aaral. Batay sa pag-aaral ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), tinatayang gagastos ng P12,090 ang bawat pamilya para tustutusan ang pag-aaral ng isang miyembro sa bawat karagdagang taon sa K-12. Kabilang sa mga gastusin ang pamasahe, baon, gamit sa eskwela at iba pa. Mabigat ang halagang ito na pinapalala pa ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at ang mababang pasahod sa mga manggagawa lalo na’t tahasan nang tinalikuran ng Pang. Aquino ang panawagan sa P125 across-the-board nationwide dagdag-sahod.
II. Ayon sa DepEd: Solusyon daw ang K-12 sa bumababang marka ng mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya.
Sa katunayan: Hindi solusyon ang karagdagang taon sa pag-aaral sa humihinang kalidad ng batayang edukasyon. Ayon mismo sa resulta ng Trends in International Mathematics and ScienceStudies, maraming bansa na may 10 taong batayang edukasyon o mas maiksi, tulad ng South Korea at Singapore, ang nakakuha ng pinakamatataas na marka. Ilang mga bansa naman na may programang K-12, tulad ng Chile at Saudi Arabia, ay nakakuha ng mababang marka. Pinapakita nito na sa halip na karagdagang taon sa batayang edukasyon, ang tunay na makakapagpataas ng kalidad ng edukasyon sa bansa ay ang mataas na budget para sa maayos na gamit, libro at iba pang pasilidad, at gayundin ang mataas na pasahod sa mga guro at kawani.
III. Ayon sa DepEd: May sapat na rekursong nakalaan para sa pagpapatupad ng K-12.
Sa katunayan: Ayon sa pag-aaral ng ACT, ang mga pampublikong paaralan sa bansa ay nakakaranas ng 182,483 kakulangan sa mga guro, 97,685 kakulangan sa mga silid-aralan, at 153,709 kakulangan sa palikuran.  Naglaan lamang ang Department of Budget Management ng P259.25 B para sa 2013 gayong ang pangangailangan sa edukasyon ay tinatayang aabot sa P338.20 B. Ang mismong United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang nag-aatas sa ating gobyerno na maglaan ng anim na porsyento ng kita nito para sa edukasyon subalit hanggang ngayon ay nanatiling tatlong porsyento lamang ang inilalaan ng administrasyong Aquino para sa batayang edukasyon at sa kolehiyo. Muli, hindi solusyon ang K-12. Ang tunay na solusyon ay ang pagpapahalaga ng gobyerno sa edukasyon at paglalaan ng pondo para rito.
IV. Ayon sa DepEd: Sa pamamagitan ng K-12, hindi na kailangan ng mga kabataang magtapos ng kolehiyo para magkaroon ng trabaho.
Sa katunayan: Baluktot at elitista ang katwirang ito. Pinapatunayan nito na ang karapatan ng mga kabataang makapag-aaral sa kolehiyo, makapili ng propesyon at magkaroon ng oportunidad para matulungan ang kanilang pamilya na umasenso sa buhay ay itinuturing na pribilehiyo lamang ng may kakayahang makapagbayad ng matrikula sa kolehiyo. Kung wala ka nito, sisiguruhin ng K-12 na makapag-aral na lamang ng bokasyunal at teknikal kahit hindi ito ang iyong nais, para sa pagtatapos ng sekundarya ay maaari nang maghanapbuhay. Dagdag pa, sa K-12, inaasahang magtatapos ang mga mag-aaral sa edad na 18—legal na edad para makapag-trabaho. Maliban dito, hindi rin nasosolusyunan ang kawalan ng trabaho ng mga kabataang nakapagtapos ng kolehiyo. Ayon sa pag-aaral, humigit-kumulang na 461,000 Pilipinong nagsipagtapos ng kolehiyo noong taong 2008 ang walang trabaho.
V. Ayon sa DepEd: Ang mga nagsisipagtapos sa programang K-12 ay maari nang ituring na mga propesyunal at may mataas na pinag-aaralan sa ibayong-dagat.
Sa katunayan: Walang kabuluhan ang argumentong ito. Malisyoso nitong itinutulak ang mga kabataan na mangibang-bansa imbis na hikayatin ang mga ito na maglingkod sa sariling bayan. Hindi masisisi ang mga kabataang piniling iwan ang kanilang mga pamilya upang mabigyan sila ng mas maginhawang buhay na ipinagkakait sa kanila sa sariling bayan. Subalit responsibilidad ng gobyerno na lumikha ng mga programang pang-ekonomiya kung saan hindi na kakailanganin pa ng ating mga kabataan ang lisanin ang bansa para maghanapbuhay. Ang K-12 ay panakip-butas at palusot lamang ng gobyerno sa kawalan nito ng kakayahang lumikha ng balangkas para sa pambansang industriyalisasyon kung saan ang ating bansa mismo ang makikinabang sa ating lakas-paggawa imbis na mga dayuhang nagpapakasasa sa mababang pasahod sa ating mga kababayang overseas Filipino workers. Resulta rin nito ang papalalang brain drain kung saan kinakapos na tayo sa mga propesyunal at mga skilled workers na siya sanang magtataguyod ng ating bayan.
VI. Ayon sa DepEd: Lubos na ang naging pag-aaral at paghahanda para ipatupad ang K-12 ngayong taon.
Sa katunayan: Wala pang ligal na batayan ang pagpapatupad ng K-12 ngayong taon. Kamakailan lamang sinimulang madaliin sa Kongreso ang pag-aamyenda sa “Education Act of 1982” subalit ngayon ay ipinapatupad na ang bagong programa.
Ang edukasyon ay isa sa mga armas natin para mapaunlad ang bayan. Ang K-12 ay nakadisenyo upang pagsilbihan ang mga dayuhang mamumuhunan na ang tanging interes ay magkamal ng tubo mula sa kanilang natitipid sa ating murang lakas-paggawa. Walang makabuluhang pagbabago ang makakamit  sa pagdaragdag ng taon at pagpapalit ng nilalaman ng kurikulum sa batayang edukasyon kung ang mga ito ay hindi nilalangkapan ng makabayan, makamasa at siyentipikong adhikain.
Kaya naman dapat magkaisa ang hanay ng mga kabataan, estudyante, guro, kawani, administrador, at ang buong komunidad upang tutulan ang huwad na programang K-12. Narito ang ilan sa mga hakbang upang mapagtagumpayan natin ang ating laban:
  1. Maglunsad ng mga pag-aaral at serye ng talakayan hinggil sa K-12 upang mas marami pa ang makaalam kung bakit nararapat itong labanan.
  2. Ipahayag sa iba’t ibang porma ang pagtutol sa K-12. Ang pinagsama-samang boses ng mamamayan ang maaaring lumikha ng pwersang pipilit sa gobyernong ihinto ang pagpapatupad nito.
  3. Lumahok at magpalahok sa “No to K-12 Alliance”. Kung mas marami tayong kikilos, mas mapapabilis ang ating tagumpay.
  4. Dumalo at magpadalo sa iba’t ibang tipo ng pagkilos laban sa K-12. Gawing malikhain ang mga pagkilos upang makapanghamig ng mas malawak na hanay ng mamamayan.
  5. Pumirma at magpapirma sa “1.2 milyong pirma kontra K to 12 ni Aquino”, isang petisyong ipapasa natin sa ating mga mambabatas hanggang maparating ito sa Malacañang.
Ipagpatuloy natin ang ating pakikipaglaban para sa libre at de-kalidad na edukasyon—edukasyong naglilingkod sa kapwa Pilipino!


Comments