Dagdag-pahirap na Programang K+12 - PinoyWeekly


Dagdag-pahirap na programang K+12


Magulo ang unang araw ng implementasyon ng K+12 sa Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)
Pumasok na sa Grade 1 sa Corazon C. Aquino Elementary School ang 6-anyos na apo ni Fe Ramirez, residente ng Batasan Hills sa Quezon City. Ngayong taon na sinasabi ng gobyerno na umpisa ng programang K+12, magiging isa ang kanyang apo na si Roxanne sa milyun-milyong kabataang Pilipino na isasailalim sa 12-taong batayang edukasyon, mula sa dating 10 taon.
Pero ayon kay Nanay Fe, maging noong nakaraang taon na tinaguriang nasa “eksperimental” na yugto ang K+12, at hanggang sa ngayon, walang paliwanag sa kanila kung ano ba ang K+12. “Naririnig lang namin sa balita. Siyempre kaming mga nanay, nagkakandarapa dahil may dagdag na dalawang taon kaming bubunuin,” aniya.
Pero simple lang sa mga nanay ang kahulugan ng K+12: dagdag na gastusin. At dahil wala namang kaukulang suporta sa gobyerno, duda silang magdudulot ng de-kalidad na edukasyon ang dagdag na dalawang taon sa eskuwela.
“Kung gusto nila ng de-kalidad na edukasyon, bakit hindi nila dagdagan ang mga klasrum at guro? Sa tingin ko, umiiwas lang ang gobyerno sa kanyang responsabilidad sa edukasyon, at ipinapasa ito sa aming mga nanay,” ayon kay Nanay Fe.
Sa Corazon C. Aquino Elementary School, hindi pa man tapos ang enrollment ay halos puno na ang mga klasrum sa unang araw ng pasukan. Ayon kay Paulino Medrano Jr., principal ng eskuwela, umaabot ng 60 hanggang 80 ang mga estudyante sa isang klase.

Sa harap ng paaralan, sinikap ng mga miyembro ng Gabriela na ipaliwanag sa mga estudyante at guro ang konteksto ng programang K+12. (Ilang-Ilang Quijano)
“‘Yun ang numero uno naming problema: kakulangan ng klasrum at guro. Kaya hindi ko alam kung paano ipatutupad itong K+12 kung wala namang dagdag na badyet,” aniya, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Ani Medrano, noong nakaraang linggo lamang nagsanay ang mga guro sa Department of Education para sa bagong curriculumng K+12. Maging siya, hindi alam ang nilalaman nito. Hinaing ng principal, “Hindi muna kasi pinlano ang implementasyon nito.”
Kuwento naman ng isang guro ng Grade 1 na tumangging magpakilala, marami pang kulang sa training ng DepEd, bukod sa huli na ito naisagawa. “Halimbawa, bago ‘yung grading system, hindi pa namin alam kung paano,” aniya.
Nasa mahigit 500 ang naka-enroll sa Grade 1 sa nasabing paaralan–mas marami kaysa sa mahigit 400 noong nakaraang taon. Tantiya ni Medrano, lalo pa itong dadami sa susunod na mga araw dahil maraming papasok na transferees.
Kuwento ni Nanay Fe, kulang ang mga upuan sa klasrum kaya’t paminsa’y napipilitan si Roxanne na umupo sa semento. Tig-iisang CR lang rin ang mayroon sa buong gusali. “Yung iba, pinipigil na lang ang pagpunta sa CR dahil kapag umalis sila sa kanilang upuan, pagbalik nila ay may iba nang nakaupo rito,” aniya.
Tila ganito ang kalagayan sa maraming paaralan sa elementarya at hayskul sa bansa: Kulang na kulang na nga ang pasilidad sa pampublikong mga eskuwela, hindi pa naipaghandaan ang karagdagang taon sa pag-aaral ng mga bata.
Problemadong solusyon sa krisis ng edukasyon
Ayon sa mga grupong kabataan at guro, tila napapalala pa ng K+12 ng administrasyong Aquino ang taun-taong problema ng edukasyon.
“Hindi ibig sabihin ng bagong kurikulum ay nangangahulugan na agad ngimprovement. Hindi dapat ng magpokus sa academic cycle, isang factor lang yan. Mas higit na dapat tugunan ang mga pundamental na problema ng edukasyon,” paliwnag ni Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa isang press conference sa Kamara.
Binigyang diin naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na matapos ang dalawang taonng administrasyong Aquino, lalong nagkukulang sa kagamitan sa edukasyon ang mga pampublikong paaralan. Sa 2012, may kulang na 132,483 guro ang pampublikong mga paaralan. Mayroon ding kulang na 97,685 klasrum at 153,709 na tubig at sanitasyon, ayon kay Tinio.

Sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa press conference: Seryosong mga problema sa programang K+12 at sistema ng edukasyon. (Pher Pasion)
Sinabi nina Palatino at Tinio na tila bigo rin si Pangulong Aquino na maglaan ng sapat na badyet para sa K+12 sa 2012 pambansang badyet.
Ayon kay Palatino, sa nakaraang committee hearing sa Kamara para sa programang K+12, sinabi ng Department of Education na kailangan nito ng dagdag na P100 Bilyon para sa implementasyon ng programa. Gayunpaman, walang malinaw na komitment sa bahagi ng budget department upang pondohan ang nasabing dagdag badyet na kailangan.
“Wala pa rin tayong kasiguraduhan na mapopondohan ito nang sapat,” ayon kay Tinio.
Naglaan ang administrasyong Aquino ng P238.8 Bilyon para sa DepEd sa taong 2012. Ang badyet na ito ay kulang ng P300-B, kung pagbabatayan ang rekomendasyon ng United Nations na dapat paglalaan ang mga gobyerno ng 6% ng Gross Domestic Product nito sa pagpatupad sa global standards ng edukasyon, ayon kay Palatino.
“Hindi natin maintindihan kung bakit naging flagship ito ng administrasyon, samantalang kulang naman sa suporta,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Palatino na kailangang tugunan muna ang mga batayang problema upang maging matagumpay ang K+12, tulad ng kakulangan sa guro, klasrums at mga pasilidad, at kaaya-ayang learning environment,” diin ni Palatino.
Naging mainit na usapin ang minadaling pagsasanay sa mga guro para sa implementasyong ng K+12. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), lumalabas sa ulat ng mga miyembro nilang guro na hindi pa handa ang mgamodule na gagamitin para sa buong taon. Siyempre, kahit ang mga teksbuk, hindi pa rin handa.
Ang volunteer teachers – na kontraktuwal – naman na magtuturo sa kindergarten ay tumatanggap lamang ng P3,000 hanggang P6,000 kada buwan. Ito ang pinakamababang natatanggap ng isang kawani sa gobyerno, paliwanag ni Tinio.
“Tatlo ang shift sa kindergarten dahil sa kakulangan ng klasrum at hindi nagpatayo ng mga klasrum para sa kinder. (Inaasahan din ang) pagbaba ng pamantayan sa pagkuha ng mga guro, (dahil) kahit di lisensiyado ay tinatanggap nila ang volunteers para magturo,” diin ni Tinio.

Nangangamba ang militanteng mga grupo tulad ng Gabriela na lalong dadami ang dropouts sa mga estudyante dahil sa K+12. (Ilang-Ilang Quijano)
Inirereklamo rin ng mga guro at magulang ng mga estudyante ang “problematikong” implementasyon ng “Home Study Program” na tulak ng kakulangan sa klasrum at guro.
Sa programang ito, nagiging Sabado na lamang ang klase sa mga estudyante at nagiging prayoridad ang “repeaters,” may-edad at may partikular na atensiyon na pangangailangan.
Pagtaas ng drop-outs
Pinangangambahan din ng militanteng kabataan ang pagtaas ng bilang ng drop-outs dahil sa K +12. Ngayon pa lamang, ayon sa Anakbayan, kalahati na ng populasyon ng kabataang Pilipino na may edad ng 11-15 anyos ay out-of-school youth. Samantala, nasa 80 porsiyento ang drop-out rate sa kabataan, ayon sa Anakbayan.
“Inenganyo pa nito ang pagtaas ng matrikula at kawalang pakiramdam sa dinaranas ng mga magulang at mag-aaral,” pahayang ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Ayon kay Crisostomo, tumaas ng matrikula sa mga pribadong paaralan sa kabiguan ng gobyerno na iregularisa ito.
“Yung akses sa edukasyon, paano ireresolba kung papahabain ang education cycle, samantalang marami ang hindi makatuntong sa paaralan dahil batayan pa rin ang mga problema?” dagdag ni Palatino.
Sa pag-aaral ni Tinio at ACT, napag-alamang kailangan ng P180,000 ang isang estudyante ng hayskul sa loob ng isang taon.
“Ang mga elitistang polisiya sa edukasyon ni Aquino ay nagdudulot ng higit na problema sa sektor ng edukasyon. Sa daang matuwid, dumiretso ang edukasyon sa bangin,” pahayag ni Crisostomo.
Pagkilos kontra K+12
Sa iba’t ibang paaralan, nagbantay ang militanteng mga grupo para imonitor ang unang araw ng pasukan at unang implementasyon ng K+12.
Ang grupong pangkababaihan na Gabriela, nagtayo ng “Bantay K+12″ para tumanggap ng mga reklamo mula sa mga nanay na apektado ng programang ito.
“Ang problema, minamadali ng DepEd ang implementasyon ng K+12 kahit sa puntong gawing eksperimento ang ating mga anak,” sabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Inihayag ng grupo na nagpupumilit lamang na humabol sa target ng Millennium Development Goals ang administrasyong Aquino upang tumaas ang ratings nito at makapangutang pa sa mga dayuhang bangko at institusyong pampinansya.
Dagdag pa ni Salvador, “Sinasabing agad na makakapagtrabaho ang magtatapos ng anim na taon ng high school. Pero ano naman ang katiyakan nito, gayong hindi naman nadadagdagan ang mga trabaho at papataas pa nga angunemployment?”
Sang-ayon dito si Nanay Fe. “Sa tingin namin, lalong mahihirapang gumraduweyt ang aming mga anak kahit ng high school. At kung ang nakapag-kolehiyo nga, walang mapasukan, paano pa kaya ang aming mga anak?”
Nananawagan ang Gabriela na itigil ang K+12. “(Dapat na itigil ito,) habang wala pang pinsalang nagagawa ang K+12 sa mga bata.”
“Hindi biro ang dagdag na gastusin para sa dagdag na dalawang taon,” sabi ni Salvador. Kailangan din umanong itaas muna ng gobyerno ang badyet para sa edukasyon. “Marapat lamang ito, dahil kinabukasan ng mga bata ang sinusugal ng gobyerno sa K+12,” pagtatapos ni Salvador.

Comments