Kasama Ako ng Mga Butil ng Kanin



by Jayson Cruz on Friday, September 7, 2012 at 5:29pm ·

Tula ng pakikiisa sa TDC Boodle Fight na ginanap sa Senado noong Setyembre 5, 2012

Kasama ako ng mga butil ng kanin
sa hapag na inyong kinainan.
Sa ulam na tuyong pinagsaluhan
nang pait ng dusa ng ATING mga GURO
sa ilang dekadang nakaraan.

Sambungkos na talbos,
adobong paa ng manok,
maalat na itlog,
nanguluntoy na nilagang talong
at samboteng bagoong.
Muling pinaalulong
ang namamaos nating tinig,
Muling pinaimbulog
ang pinagsamasamang lakas,

ang mga nagngangalit na ugat sa ating leeg,
pumarada muli, mga maong na kupas
mga kamaong gigil, muling itinaas,
sabay-sabay na isinisigaw nang ubod-lakas

DIGNIDAD NG GURO, WAG LAPASTANGANIN!
DIGNIDAD NG GURO, WAG LAPASTANGANIN!

Kasama ako ng mga butil ng kanin
na isinubo ng mga butuhang kamay
sa magdamag na naglalamay
sa pagbalangkas ng leksiyon ng sangkatauhan,
paghubog ng ugali ng mga kabataan.

Kasama ako ng mga butil ng kanin
sa katawan ninyo'y nagpalakas
sa harap ng Senado, tanghaling tapat.
Sama-sama ninyong hinagilap
hinarap,
ipinakiusap
ang daing ng ATING mga GURO
kahit pagod na sa pagtuturo
patuloy ang pakikipagdayalogo
makamtan ang panalo,
maitaas ang pasahod sa mga guro.

Kasama ako ng mga butil ng kanin
na ating pinagtitiisan
sa matagal na panahon na pakikibaka
sa buhay at kamatayan,
sa kasiyahan at kasawian,
sa kalakasan at kahinaan.

Kasama ako sa mga butil ng kanin
hanggang sa maipanalo ang laban
nang lahat ng mga guro'y makinabang
ang tunay na mga bayani ng bayan!

NOTE:

SA MGA KASAMA KO SA TDC-NCR,

Ipagpaumanhin ninyo na hindi ako nakasama sa isang makabuluhang pagkilos na ito. Inaapoy ng lagnat ang aking anak at kailangan ako sa tabi niya. Pinagturo ko na ang misis ko dahil wala na siyang service credit at ako'y mayroon pa naman. Bunga ng instant noodles (na pambansang ulam nating mga guro) ang pagkakaroon ng UTI ng aking anak. Patunay lamang ito na hindi sapat ang pasahod na ating tinatanggap mula sa pamahalaan na atin namang pinaglilingkuran nang tapat.

Sa tingin ko'y dapat lamang nating isigaw ang MAKATARUNGANG PASAHOD PARA SA MGA BAYANI NG BAYAN!

Kaisa ninyo,

Jayson Alvar Cruz

Comments