Simple Mathematics


Benjo Basas
Pilipino Mirror

Kamakailan ay inihayag ng ating pangulo ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA)- taunang pag-uulat ng pangulo hinggil sa kalalagayan ng bansa. Subalit mas madalas, ito ay pag-uulat ng mga nagawa at mga plano pang gawin ng nakaupong adminstrasyon. Kumbaga sa mag-aaral, ito ang kanyang report card. 

Ayaw ko nang talakayin pa ang hinggil sa ibang sektor, sa edukasyon na lamang tayo magpokus. May ilan ding talata mula sa 8, 000 salitang nilalaman ng SONA ang inilaan ng pangulo sa sektor na ito. Nakatutuwang isiping napakaraming problema sa edukasyon ang iniulat ng pangulo na naresolba at mareresolba sa ilalim ng kanyang administrasyon. Nariyan ang kakulangan sa mga upuan sa public schools, ang kulang na mga libro at ang malaking kakulangan sa silid-aralan. Hindi man ganap na naresolba ay nabawasan naman nang husto ang ating shortages. At inaasahang makakamit ang ‘zero backlog’ sa pagtatapos ng 2013. Kung paano ito gagawin, hindi pa malinaw. 


Subalit kung susuriin ay makikita natin ang tunay na problema sa sistema- budget. Ngunit ayon sa sa pangulo ay may malaking dagdag sa budget sa edukasyon sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Ipinagmalaki ng pangulo ang lubhang pagtaas ng budget kumpara sa administrasyong Arroyo. 

Buweno, ayon sa simple mathematics ay talagang pasulong ang mga datos. Nadagdagan ang mga classrooms, nadagdagan ang mga upuan, nadagdagan ang mga aklat at nadgdagan ang budget. Tama ang pangulo at kaming mga guro ay kumikilala sa simple mathematics na ito. Ngunit ayon din sa simple mathematics, may naganap na subtraction- nawala sa ulat ang pinakamahalagang salik sa edukasyon- ang ating mga guro. Hindi nabanggit ng pangulo ang paglobo ng bilang ng guro na kailangan ng sistema sa ngayon. Ayon mismo sa DepEd, sa taong ito’y aabot sa 116,564 ang kulang na mga guro. Hindi rin niya nabanggit na mahigit 45, 000 mga guro ang nagtitiyaga sa kontrakwal na kalagayan- mas mababa ang sahod, mas mabigat ang trabaho at walang seguridad sa hanapbuhay. Na-menos din sa SONA ng pangulo na may karagdagang 23, 000 volunteer teachers na nagtuturo sa kindergarten program at sumasahod lamang ng tatlo hanggang anim na libong piso kada buwan. Hindi rin nabanggit ng pangulo na ang 1.7 milyong enrollees sa kindergarten ay katumbas ng pangangailangan sa 28, 833 bagong mga guro samantalang 3, 741 lamang ang permanent kinder teachers sa Pilipinas. 


Ganito po kalaki ang pagkukulang ng ating estado sa sistema ng edukasyon- lalo na sa mga guro. At lahat ng pagkukulang na iyan ay ang mga guro mismo ang pumupuno. Ang ating DepEd ay laging gumagamit ng division- hinahati-hati sa 530, 370 (yan ang bilang ng mga guro Pilipinas kasama na ang 16, 000 bagong guro ngayong 2012) ang dapat sana ay trabaho ng nawawalang 141, 656 sa kabuuan (kasama ang sa kinder). 


Ganito po ang estado ng mga guro sa Pilipinas. Hindi pa natin pinag-uusapan ang dapat na kompensasyon at mga insentibo sa kanila. Kaya naman ang hamon ng mga guro kay Pangulong Aquino ay simple mathematics din- multiplication. Itumbas sa pangangailangan ng buong istema ng edukasyon ang budget na ilalaan. Kung mayroon tayong pambayad sa utang na hindi pinakinabangan ng mamamayan at ngayon’y may lakas na tayo ng loob magpautang, bakit hindi natin kayang tugunan ang mga tunay na pangangailangan? #

--------------------------
Si Benjo Basas ay isang public school teacher sa Caloocan City at kasalukuyang Pambansang Tagapangulo ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC). 

Comments