Mapait na kuwento ng pagkakait sa isang iskolar ng bayan
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/mapait-na-kuwento-ng-pagkakait-sa-isang-iskolar-ng-bayan/
Tinanganan niya ang pangakong magandang buhay na hatid ng edukasyon. Pursigido mula pagkabata, nag-uwi siya ng mga medalya ng karangalan sa pamilya na pangarap niyang maiangat mula sa kahirapan.
Pero hindi na ito matutupad matapos niyang kitlin ang sariling buhay, nang ipagkait sa kanya ang tanging pinanghahawakan sa buhay: ang karapatang makapag-aral.
Niyanig ng pagkamatay ni Kristel Tejada, 16, unang taon na mag-aaral ng Behavioral Science sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila, hindi lamang ang komunidad ng UP kundi maging ang sistema ng edukasyon na umano’y kumikitil sa pangarap ng milyun-milyong kabataan sa bansa.
Pag-aaral ang buhay
Mula pagkabata, hanggang grade school at high school, achiever si Kristel.
“Lahat ng contest sinasalihan nya. Napo-flourish sya at nakakaya niyang gawin iyon kahit na hirap kami sa buhay. Hirap man kami, gumagaan ang pakiramdam namin kapag nag-e-excel siya sa klase,” ayon kay Christopher Tejada, ama ni Kristel, sa panayam ng Pinoy Weekly.
Isang part-time na taxi driver ang ama ni Kristel. Hindi regular ang kanyang trabaho sa kalsada. Wala namang hanapbuhay ang kanyang ina na nag-aalaga sa kanyang mga anak. Panganay si Kristel sa apat na magkakapatid.
Dahil sa mahigpit na badyet ng pamilya, pumapasok si Kristel sa UP Manila na kendi lang ang baon para sa tanghalian. Pero papasok siya, basta’t may pamasahe lamang.
Maging ang kanyang mga propesor, hanga sa kanyang talino at determinasyong matututo.
“Paborito ni Kristel ang psychology. Hindi ‘yan nag-a-absent. Nag-absent lang ‘yan first two meetings, noong nahihiya pa siyang pumasok at noong hindi na siya pinayagang makapasok. Tahimik ‘yan sa klase, bihirang-bihira sasagot pero nakakatuwa na kapag sumagot siya, may laman at tama,” ayon kay Andrea Martinez, propesor ni Kristel.
Dagdag pa ng propesor, “Mahusay siyang writer. Kaya mataas ang grade na nakuha niya sa first examniya. ‘Yung eagerness to learn at determination to study, nasa kanya.”
Apat na beses nagmakaawa
Hindi miminsan na lumapit ang mga magulang ni Kristel sa administrayon ng UP Manila upang maisalba ang pag-aaral ng kanilang anak, sa gitna ng kawalan nila ng kakayahang magbayad ng matrikula.
Ayon sa ama ni Kristel, sa unang beses, pumunta siya kay Vice-Chancellor for Academic Affairs Josephine de Luna para makiusap kung maaaring mag-apply ng loan. Pero sinagot siya umano na wala nang ibang pagpipilian si Kristel kundi ang maghain ng Leave of Absence (LOA).
“Sabi ko, ‘Ma’am, ano po ang Leave of Absence?’ Ang sabi niya, ‘Leave of Absence’ ibig sabihin hindi na siya papasok. Hindi na maki-credit.’ Nagulat ako, ‘Ma’am!?! Hindi na po siya papasok!?! Ibig sabihin, nasayang ‘yung mga pinasok na niya?’ Sabi ko, ‘Diyos ko, ginapang ko ang pamasahe ng anak ko. Pinangutang ko ang ganito at ganyan, tapos sasabihin niyo sa akin hindi na siya papasok?’” ayon sa ama ni Kristel.
Nakakita ng pag-asa ang ama ni Kristel nang papuntahin ang anak niya para kausapin ni de Luna. Umasa siyang baka sakaling magbago ang sitwasyon. Pagpunta sa opisina ngvice-chancellor, agad ibinigay ni Christopher ang isang sulat na nagpapakumbaba at nagsasabing kasalanan ng magulang kung bakit hindi nakabayad ng matrikula ang anak. Muli siyang umapela kung maaaring makapag-loan.
“Pero sabi niya (de Luna), ‘No. There’s no option.’ Tapos sabi niya sa anak ko, ‘And you have to file your leave of absence as soon as possible… Do you have anything to say for yourself?’ Diretsahan. Kinalabit ko ang anak ko, sabi ko, ‘Anak, magsalita ka…magmakaawa ka.’ Sa kabiglaan ng anak ko sabi na lang niya, ‘Ma’am, wala na po…’ Napahiya na siya eh.”
Pagkatapos noon ay paulit-ulit na tinanong ni Kristel sa kanyang ama kung bakit ganoon ang nangyari, samantalang nag-aaral naman siya nang mabuti. “Sabi ko, ‘Anak, huwag ka mag-give up. Papasok ka. Huwag ka magpaapekto sa sinasabi nilang LOA. Gagawa pa tayo ng paraan,’” kuwento ng kanyang ama.
Sa ikatlong punta ni Christopher sa opisina ng vice-chancellor, nagtanong siya, kung sakaling makapagpasulpot siya ng P7,000 kinabukasan, papayagan bang mag-enroll si Kristel? Nag-alok na kasi noon ang mga propesor ni Kristel, sa pangunguna ni Martinez, na pautangin muna ang pamilya.
“Sabi niya (de Luna), ‘Hindi rin. Deadline na eh,’” ayon sa ama ni Kristel.
Dumaan ang mga araw. Patuloy ang pagdurusa ni Kristel. Minsan, papasok siya, minsan hindi. Nag-umpisa na rin siyang makaranas ng diskriminasyon dahil nakiki-sit-in siya sa mga klase, pero hindi naman siya officially enrolled.
Nagdesisyon si Christopher na makiusap sa ika-apat na pagkakataon, at dumiretso na sa opisina ni Chancellor Manuel Agulto. Pero wala roon ang chancellor.
“Pagpunta ako roon, ibinigay sa akin ang isang scratch paper, at nakalagay doon: From the Office of the Vice-Chancellor, final decision: file LOA. So ibig sabihin, wala na. Ano pa magagawa namin? Final decision na eh,” ayon kay Christopher.
Para subukang kumita, nagtrabaho pa umano si Kristel bilang student assistant sa Office of Student Affairs. Pero hindi siya pinasahod dahil hindi raw siya officially enrolled. “Nagbigay siya ng serbisyo, tapos parang sasabihin sa kanya, hindi ka naman taga-rito eh. Lalo naging masakit iyon para sa kanya,” sabi ng ama ni Kristel.
Pagbasura sa STFAP
Magdadalawang dekada na ang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program), na sinasabing isang mapanlinlang na mekanismo upang pagtakpan ang pagtaas ng matrikula sa unibersidad.
Sa pagkamatay ni Kristel, muling nag-init ang matagal nang panawagan ng mga estudyante na ibasura ang STFAP.
Dismayado ang mga magulang ni Kristel nang mailagay siya sa Bracket D, na may tuition fee ng P300 kada yunit. Sa bracket na iyon, dapat kumikita ang mga magulang ng estudyante ng P135,000 – P250,000 kada taon. Hindi sila sakop noon, giit ng ama ni Kristel.
Dagdag pa ni Christopher, wala siyang trabaho noong nag-a-apply siya sa STFAP, kaya’t ninanais nilang mapasok sa Bracket E2.“Pero ang nangyari, two weeks before namin maipasa ang application namin sa STFAP, nagkaroon ako ng trabaho. Pwede ko naman i-declare na wala akong trabaho. Kaso pinrotektahan ko si Kristel. Gusto ko maging honest. Kasi i-declare ko man o hindi, dapat nasa Bracket E2 pa rin kami. I-compute ko man, P426 kada araw na sahod, times 26 days per month, times 12 months, hindi pa rin aabot ng P135,000,” sabi ni Christopher.
Dagdag pa niya, “May tatlo pa akong anak na pinag-aaral bukod kay Kristel. Magrerenta pa kami. Hindi na kami kakain? Kaya hinamon ko sila (administrasyon ng UP), kaya niyo bang patunayan na nasa Bracket D ako? Wala namang nangyari. Nasaan ang hustisya doon?”
Paliwanag ni Mariz Zubiri, tagapangulo ng University Student Council, nakadepende ang STFAP sa pagsusubsidyo ng isang estudyanteng nasa mataas na bracket sa isang estudyanteng nasa mababang bracket. Lagi rin umanong nasa estudyante ang burden na patunayan na siya ay mahirap.
“Sabi nila ire-revise nila ang STFAP. Pero nakita natin na sa bawat pag-revise ng STFAP mas dumadami lang ang kinikita ng administrasyon ng UP, tapos mas tumataas angtuition fee. Dapat ibasura na ito ng administrasyon,” ayon kay Zubiri.
Sinabi pa ni Zubiri na matagal nang nilalabanan ng mga estudyante ang ‘no late payment’ policy sa UP Manila, pero itinatanggi umano ng administrasyon na umiiral ito. “Masakit na hindi tayo pinakinggan ng administrasyon. Kinailangan pang may magbuwis ng buhay para maniwala ang lahat na totoo ang polisiya na ito.”
Sistemang ‘nakamamatay’
Samantala, ang pagkaltas sa badyet sa edukasyon ang itinuturong pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng matrikula at pagpapatupad ng represibong mga polisiya gaya ng STFAP at ‘no late payment’ policy, hindi lamang sa UP kundi maging sa iba’t ibang state universities and colleges (SUCs).
Kaya para sa marami, hindi sapat ang pahayag ni Agulto na ititigil pansamantala ang ‘no late payment’ policy. Higit pa umano rito ang usapin.
“Kailangang ibalik ang tunay na karakter ng UP, ‘yung mga estudyante niya bilang iskolar ng bayan. Maibabalik lamang ‘yun kung talagang buwis ng mamamayan ang nagpapaaral sa kanila, hindi ‘yung pera ng mga magulang nila. The fact na unti-unting tinatanggalan nggovernment subsidy ang UP at iba pang SUCs, unti-unti ring tinatalikuran ng gobyerno ‘yung responsibilidad niya sa edukasyon,” ayon kay Martinez.
Nangangamba ang iba’t ibang grupo na sa tulak ng gobyernong Aquino na maging self-sufficient ang SUCs sa balangkas ng Public-Private Partnerships, tiyak na magiging mas komersiyal pa ang katangian ng edukasyon. Patuloy na mababawasan ang badyet ng SUCs, at matutulak ang administrasyon ng mga pamantasan sa interes na kumita.
Nang sa wakas ay binawi ng UP Manila ang ID ni Kristel, pina-scan pa ito ng nanlulumong estudyante bago ibinigay.
“’Yun na kasi ang buhay niya eh,” pagmumuni-muni ng ama ni Kristel. “Kung ang isang bagay binigyan mo ng halaga, kapag tinanggal ‘yun, napakasakit. Sanay na sanay siyang mag-aral nang mabuti, tapos sasabihin sa kanya, huwag ka nang mag-aral kasi wala kang pera. Kaya noong isinabmit niya ‘yung ID niya, parang nawalan na rin siya ng buhay.”
Isang testamento ang pagkamatay ni Kristel sa lumalalang krisis sa edukasyon, ayon sa mga estudyante na naging inspirasyon ang paalalang hindi na dapat maulit pa ang nangyari kay Kristel.
Maging ang pamilya Tejada, namulat sa pangyayari. “Sana mas maging aware ‘yung kinauukulan na meron talagang mali, na may mga dapat itama sa mga polisiya sa edukasyon,” ayon kay Blesilda, ina ni Kristel.
Para naman kay Martinez, sana hindi masayang ang pagbubuwis ng buhay ni Kristel. “Sana magbunga ito ng mas makabuluhan pang mga pagbabago. Sa immediate, ‘yung pagrepaso sa mga polisiya na hindi makatarungan at hindi maka-estudyante. Dapat dagdagan din ang subsidyo ng gobyerno para sa SUCs.”
Giit pa ni Christopher, “Ang pagtutuunan natin, sistema. Kailangan mabago ang sistema para hindi na mahirapan ang iba pa. Sana maging eye opener itong nangyaring ito sa anak ko. Ayokong maranasan ng ibang ama na mangyari ito sa kanilang anak. Ako, gagawin ko rin ang lahat para sa adbokasiyang ito. Sana maayos natin ang sistema para wala nang sumunod kay Kristel.”
Sa pagkamatay ni Kristel, muling napaalala sa publiko na “nakamamatay,” ayon nga sa mga grupong kabataan, ang krisis ng edukasyon sa Pilipinas. Wala mang may nais na maulit ang sinapit ni Kristel, tiyak na marami pang iskolar ng bayan ang pagkakaitan ng karapatang mag-aral at mabuhay, hangga’t patuloy na lilimutin ng gobyerno na ang edukasyon ay isang karapatan.
Comments
Post a Comment