Teaching Literature in Elementary Schools in the Philippines
The following is a lecture given by Genaro R. Gojo Cruz on how to introduce literature to grade school children. It highlights the importance of culture, basically emphasizing that the mother tongue is much more than just using the language at home. More importantly, to arouse interest among the students, Cruz provides several useful suggestions.
Ilang mga Metodo Ko sa Pagtuturo ng Panitikan sa Elementarya
ni Genaro R. Gojo Cruz
Aaminin kong may pagkiling ako sa panitikang pambatang isinulat ng mga manunulat na Pilipino para sa mga batang Pilipino. Naniniwala kasi akong binibitbit ng mga panitikang pambata, partikular ng mga kuwentong pambata ang kultura o sensibilidad ng mga batang Pilipino. Ibang-iba ang karanasan ng mga batang Pilipino sa ibang batang di nakatira sa Pilipinas. Naniniwala akong mabisang instrumento ang panitikang pambata na ilapit ang mga batang Pilipino sa kanyang kultura. At buo rin ang aking paniniwala na mabisang instrumento ang guro upang ilapit ang mga bata sa kanilang panitikan. Ang guro ang talagang pinakamalapit o pinakamadalas humawak ng panitikan.
Ang tinutukoy ko ay di ang mga kuwentong mababasa sa inyong mga teksbuk dahil ang mga ito ay di maituturing na mga kuwentong pambata. Ang tinutukoy ko rito ay ang mga kuwentong nailathala bilang mga aklat-pambata, halimbawa, ang mga aklat-pambata na inilalathala ng Adarna House, Lampara Books, Tahanan Books, Gintong Salakot, Mga Kuwento ni Lola Basyang ng Anvil, CANVAS at iba pa.
Marami kasi sa mga kuwentong nasa teksbuk ay di isinulat ng talagang mga manunulat, kung kaya halatang-halata ang kakulangan ng mga ito sa kasiningan. Halatang-halata na pilit na isiningit ang mga aralin sa wika. Halimbawa, kung ang aralin ay tungkol sa pangngalan o pandiwa, asahang mamumutiktik sa pangngalan o pandiwa ang kuwento. Pilit na pilit ang mga kuwento. Kung kaya madalas, nilalayuan ng mga bata ang panitikan o ang pagbabasa sa kabuuan. Paano nga ba naman nila magugustuhan at matutuklasan ang hiwaga ng panitikan kung “pilit” at “palpak” ang mga kuwentong nababasa nila sa kanilang teksbuk.
Kung kulang sa de-kalidad ng panitikan ang mga teksbuk, ang ilang guro naman, ang mismong mga mag-aaral ang pinaghahanap. Gumawa ng album ng dalawampung tula, dalawampung alamat, dalawampung kuwentong-bayan, dalawampung pabula at iba pa. Nalintikan na! Paano nga ba naman magugustuhan ng mga mag-aaral ang panitikan na sa una’y dapat munang makapag-entertain sa kanila? Itinuturing kong pinakamasamang magagawa ng guro ang bisyong ito ng pagpapa-album.
Kaya nga sa aking pagtuturo noon sa elementarya, nawalan ng silbi ang teksbuk sa aking pagtuturo ng panitikan. Nagsimula akong bumili at mag-ipon ng mga babasahin, aklat pambata na magagamit ko sa aking pagtuturo. Linggu-linggo’y bumibili ako noon ng Liwayway, Pambata Magasin o ng mga pahayagan tulad ng Philippine Daily Inquirer na may kasamang Junior Inquirer Magazine na may mga kuwento at tulang isinulat mismo ng mga batang Pilipino. Naging mabisang katuwang ko sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya ang mga ito. Nakatutuwa ring isipin na higit na nakakaugnay ang aking mga mag-aaral sa kanilang mga binabasa, dahil ang ilan sa mga ito ay isinulat din ng mga batang tulad nila. Binabasa nila ang kanilang mismong panitikan.
Samakatuwid, kailangang maging sensitibo ang guro sa pagpili ng panitikang dapat basahin o ipabasa sa kanyang mga mag-aaral. Sa aking ding karanasan, higit na naging masaya at aktibo ang klase kapag magagandang panitikan ang aming pinag-uusapan. Higit na naging natural ang pagsagot at pagkatuto ng mga mag-aaral. Natutuhan nila ang wika sa pamamagitan ng paggamit ng mga ito. Iwasan na ang lagi’t laging pagpapabilog, pagkakahon, pagguhit, at iba pa sa mga salita. Ipagamit na ito mismo sa mga bata ang wika sa halip na ipakabisado.
Narito ang ilan sa mga hakbang sa pagpili ng panitikan para sa mga mag-aaral:
1. Piliin ang mga kuwentong-pambatang isinulat ng mga manunulat na Pilipino sa mga batang Pilipino. Malaking tulong ito upang magkaroon ng interes ang mga bata sa kuwento dahil malapit sa kanilang karanasan ang kuwento. Maganda ring ipakilala sa mga bata ang manunulat na Pilipinong sumulat ng kuwento.
2. Piliin ng mga kuwentong-pambata naaayon sa antas ng pag-iisip, kasanayan, interes, kultura o gawi ng pamumuhay, at pangangailangan ng mga mag-aaral. Kung problema ng guro ay ang kalinisan ng kanyang mga mag-aaral lalo na sa mga pampublikong paaralan, may mga kuwento ukol sa kalusugan na maaaring magamit. Mahilig naman sa mga kuwento na hayop ang bida ang mga mag-aaral sa Ika-1 hanggang Ika-2 baitang.
3. Siguruhing naaayon sa layunin ng gagawing pagtuturo ang piniling kuwentong-pambata. Halimbawa, kung ang layunin sa pagtuturo ay makilala’t makapagbigay ng puna sa pangunahing tauhan, piliin ang mga kuwentong nagbibigay diin sa taglay na katangian ng pangunahing tauhan. Kung ang layunin naman ay maibigay ang banghay ng kuwentong nabasa o napakinggan, piliin ang mga kuwentong ukol sa kasaysayan na nagbibigay diin sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Marami ng aklat-pambata sa Pilipinas at tiyak na di mauubusan ang guro.
4. Kung nais ng gurong ikuwento sa mga bata ang mga aklat-pambatang tumatalakay sa maseselang isyu, tulad halimbawa ng paghihiwalay ng mga magulang, mga sakit tulad ng AIDS, at iba pa, kailangang munang magbigay ang guro ng mga kaugnay na gawain bago simulan ang pagkukuwento o pagbabasa. Kailangan din ang maingat na pagpoproseso pagkatapos. Huwag na huwag iiwan sa ere ang kuwento lalong higit ang mga bata.
Narito naman ang ilan sa mga hakbang na aking ginagamit sa pagtuturo ng panitikan sa elementary.
1. Bago ko gawin ang pagbabasa o pagpapabasa, nagsisimula akong lagi sa karanasan o sa kung ano ang alam ng mga mag-aaral (establishing prior knowledge). Bukod sa ito ang paraan ko ng paghahanda sa kanila, nabibigyan din sila ng pagkakataong mailahad nang natural ang kanilang mga karanasan. Sa ganitong paraan, nalalaman ng bata na may “gamit” o “silbi” pala ang kanyang alam sa loob ng klasrum. Ngunit kung walang karanasan ang bata kaugnay ng paksa ng kuwento, maaaring gumawa ang guro ng mga gawain na magbibigay sa kanila ng karanasan. Halimbawa, kung ang kuwento ay tungkol sa isang bulag, maaaring i-blind fold ang mga mag-aaral. Itanong kung ano ang kanilang nararamdaman. Patayuin sila. Palakarin nang bahagya. Itanong kung ano ang kanilang karanasan. Mahirap ba o madali ang maging bulag? Pagkaraan nito, gumawa ng tulay na mag-uugnay sa karanasang ito ng mga mag-aaral sa kuwentong babasahin o ipababasa. Kailangang maging malikhain ang guro sa pag-iisip ng mga gawaing dudukal sa dating kaalaman o karanasan ng mga mag-aaral. Huwag na huwag agad sisimulan ang pagbabasa o pagpapabasa ng kuwento.
2. Bukod sa nabanggit sa unang bilang, ginagamit ko ring hakbang sa pagkuha ng dahil kaalaman ng mga mag-aaral ang Alam na, Nais Malaman, Nalaman o ang Know, What to know, Learned (KWL). Sa pamamagitan nito, natataya ng mag-aaral ang sarili ukol sa kanyang mga alam na, gustong malaman at pagkaraan na making o mabasa ang kuwento ang kanyang natutuhan o nalaman. Mabisang gamitin ito sa mga kuwentong tumatalakay sa kasayasayan at kalusugan.
3. May mga kuwentong di malinaw kung ano o sino ang pangunahing tauhan, kung kaya ipaguguhit ko sa mga mag-aaral ang itsura ng pangunahing tauhan. Matapos kong mabasa ang ilang pangungusap o talata ng kuwento, hihinto na ko at itatanong ko sa mga mag-aaral kung ano o sino ang nagsasalita sa kuwento. Iguguhit nila sa isang papel ang naiisip nilang itsura ng pangunahing tauhan. Sa pamamagitan nito, nasusubok at nahahasa ang kanilang imahinasyon o malikhaing pag-iisip. Pagkatapos nito, ididikit ko sa pisara ang mga kanilang mga guhit at magpapatuloy na ako sa aking pagkukuwento. Pagkaraan, itatanong ko kung alin sa mga itsura ng mga tauhang nasa pisara ang pinakamalapit sa tauhan sa kuwentong aking binasa. Mabisa ito sa mga mag-aaral na nasa ika-1 hanggang ika-3 baitang.
4. Kung ang mga mag-aaral ang mismong mababasa ng kuwento, madalas na sinasabi ko muna ang pamagat ng kuwentong kanilang babasahin. Magbibigay ako ng kaunting lektyur ukol sa may-akda ng kuwento at iba pang kaugnay paksa ng kuwento. Pagkaraan nito, ang mga mag-aaral mismo ang gagawa ng tanong na maaaring masagot ng kuwentong kanilang babasahin. Isusulat ko ang kanilang mga tanong sa pisara, lahat ay tinatanggap ko. Pagkaraan na makapagbigay ng tanong ang lahat ng mag-aaral, ipapakritik ko sa kanila ang mga tanong. Alin sa mga tanong ang pareho lamang? Alin ang maaaring pag-isahin na lamang? Sisikapin kong makapagtira ng sampung (10) mahuhusay na tanong. Ang mga tanong na ito ang sasagutin ng mag-aaral. Sa pamamagitan nito, natutuhan ng mga mag-aaral ang mabisang pagbabasa. Malinaw na sa kanila ang kanilang layunin sa pagbabasa dahil natukoy na ang tanong na kanilang sasagutin. Mahirap ang gawaing ito kung kaya nababagay ito sa ika-6 na baiting. Magagamit ito sa mga kuwentong loaded ng mga impormasyon o kaalaman.
5. Madalas kong ginagamit ang istratehiyang Pinatnubayang Pagbasa at Pag-iisip o ang Directed Reading Thinking Activity (DRTA). Napatunayang kong patok ang paraang upang isangkot ang mag-aaral sa pakikinig at ilapit sila sa panitikan. Sa paraang ito, hinahati ko ang buong kuwento sa kapana-panabik na bahagi, at sa bawat bahagi ay nagbibigay ako ng mga tanong kaugnay na susunod na pangyayari. Nasusubukan nito ang husay ng mga mag-aaral sa matalinong paghihinuha. At dahil sa kanilang kasabikan na malaman ang susunod na pangyayari, sila ay nakikinig. Mabisa ito sa lahat ng baitang sa elementarya.
6. Sa mga kuwentong may dalawa o higit pang tauhan, ginagamit ko ang habing ugnayan (relationship web). Malaking tulong ito upang makita nang biswal ng mga ang ugnayan ng mga tauhan sa kuwento. Madalas na inihahanda ko na ito. Bahala na ang mga mag-aaral na magpunan ng mga ito habang o pagkatapos makinig o magbasa. Binibigyang-diin ko sa gawaing ito na kailangan ng isang tao ang iba upang mabuhay. Kailangan niyang makipag-ugnayan sa iba upang mabuhay. Ang ganitong gawain ay nababagay sa Ika-5 hanggang ika-6 na baitang.
7. Kung ang kuwento naman ay nagbibigay-diin sa taglay na katangian ng dalawang tauhan, ginagamit ko ang venn diagrams. Bukod sa madaling makita ang ugnayan ng dalawang tauhan, nakikita rin agad ang kanilang pagkakatulad at pagkakaiba. Dahil dito, madaling napagtitimba-timbang ng mga mag-aaral kung sino ang higit niyang gusto sa dalawang tauhan.
8. Madalas ko ring gamitin ang pagbibigay regalo sa mga tauhan (gifts to characters). Bawat mag-aaral ay mag-iisip ng isang regalong gusto niyang ibigay sa isa sa mga tauhan sa kuwento. Ilalagay niya sa kahon ang kanyang gusting iregalo, ito ay maaaring tunay na bagay o hindi, basta ang pinakamahalaga ay ang munting card na nakakabit sa kahon. Nakasulat sa munting card ang dahilan kung bakit iyon ang kanyang iniregalo sa pangunahing tauhan. Maaaring magpalitan ng regalo ang mga mag-aaral. Sila rin ang magbubukas at magbabasa ng mga nakasaulat sa munting card. Sa ganitong paraan, natutukoy ng mga mag-aaral ang suliranin ng kuwento o ang pangangailangan ng pangunahing tauhan. Mabisa ang hakbang na ito sa lahat ng baitang sa elementarya.
9. Ginagamit ko rin sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya, ang pagtatanong na nagsisimula sa “Ano kaya kung” o “What if”. Ano kaya kung ikaw ang pangunahing tauhin sa kuwento? Ano ang iyong gagawin? Ano kaya kung may lumang aparador sa loob ng inyong bahay na parang kuweba? Ano ang iyong gagawin? Mapapansing sa pagsagot ng mga mag-aaral sa mga tanong na ito, bukod sa naiiugnay na nila ang kuwento sa kanilang sariling karanasan, lumilikha na sila ng sarili nilang kuwento. Madalas na isinusulat ko sa kapirasong papel ang mga “Ano kaya kung” na mga tanong at ang bawat isa ay bubunot. Mabisa itong gamitin sa mga kuwento ukol sa kababalaghan.
10. Mapapansing ang mga ibigay kong paraan, istratehiya, o hakbang sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya ay mahahati sa tatlong bahagi—bago bumasa, habang bumabasa, at pagkatapos bumasa. Mahalagang may nakalaang gawain ang guro sa bawat yugto. At siguruhing may ugnayan ang mga gawain bago bumasa, habang bumabasa at pagkatapos bumasa. Mahalaga ring iayon ang mga gawain sa kakayahan at antas ng pag-iisip ng mga mag-aaral.
Walang iisang mabisang teknik sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya. Kung minsan o madalas, di talagang nagtutugma ang iniisip o inaasahan na magiging resulta o daloy ng pagtuturo ng guro sa tunay na nangyayari sa loob ng klasrum. Madalas ding iba ang nangyayari sa klasrum sa nakasulat sa lesson plan ng guro. Kaya mabuting maging kargado ng iba’t ibang teknik ang guro sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya. Kung nakukutuban niyang di magiging mabisa ang teknik na nakasaad sa banghay-aralin, at kung di rin naman nakamasid ang principal na madalas ay sarado sa ganitong mga pagbabago, agad siyang makakaisip ng iba. Mahalagang dapat isaalang-alang lagi ang kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa mga guro, maipapayo kong magdokumento ng inyong mga sariling karanasan o teknik sa pagtuturo ng panitikan sa elementarya. Alam kong ilan o marami sa aking mga ibinahagi ay di na bago sa inyo, o matagal na ninyong ginagamit sa inyong pagtuturo. Ngunit sa aking palagay, lagi’t laging nagiging bago pa rin ang mga teknik na ito dahil taun-taon, iba-iba ang ating mga nagiging mag-aaral. Bagong-bago sa kanila ang karanasang maituro natin ang panitikan gamit ang mga estratehiyang ito. At higit sa lahat, mahalagang matutunan ng mga guro ang magbahaginan ng mga karanasan sa pagtuturo ng panitikan. Ang totoo naman kasi’y sa isa’t isa tayo talagang matuturo. Sa ating mga karanasan sa pagtuturo at di sa mga libro o sa mga ispiker na tulad ko, tayo talagang natututo.
Kaya sana, sa mga darating na panahon, ‘yung mga gurong nasa field talaga ang nabigyan ng pagkakataong maging ispiker sa mga ganitong seminar-worksyap. ‘Yung talagang nakalublob talaga ng ilang taon sa field. At kung mangyayari ito, ako ay talagang dadalo at unang-unang makikinig sa inyo. Dahil gustong-gusto ko ring matuto.
(Lektyur sa SANGFIL, Hulyo 9, 2009, UP NISMED)
___________________________________________________________________________________________
Cruz leaves an important message at the end of his lecture that is worth reiterating. "Those teachers who are on the ground should be the ones given an opportunity to speak in this type of seminars or workshop. Those who are truly on the front line of teaching should be speaking here. And if this happens, I can assure that I would be among the first to attend and listen. Because I really would like to learn more."

Maraming salamat sa pagbahagi ng napakahalaga at napapanahong lektyur ni Ginoong Genaro Ruiz Gojo Cruz.
ReplyDelete