Pahayag ng Alliance of Concerned Teachers


Aquino ipinapagtuloy ang "dekada ng pagpapabaya" ni GMA sa sektor ng edukasyon!  K to 12 hindi solusyon, Ibasura!


Pahayag ng Alliance of Concerned Teachers
July 23, 2012 

Grabeng paglala sa krisis ng edukasyon ang idinulot ng walang kaparis na pagpapabaya dito ng nakaraang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ito ang minana ng administrasyong Aquino kay GMA. Tinawag ito ng Aliance of Concerned Teachers (ACT) na "Nawaldas na Dekada" ng kawalan ng pag-unlad at lalong pagkabulok ng edukasyon sa Pilipinas.

Hinamon ng  mga guro at kawani ng sector ng edukasyon at sambayanang Pilipino  si Aquino na tuparin ang kanyang mga pangako na sa  kagyat ay maglunsad ng mga hakbang upang mabawi ang nawaldas na dekadang ito at magsagawa ng mga pundamental na reporma sa buong sistemang pang-edukasyon.  Nararapat lamang na bigyan ng pangunahing tuon ang pagiging abot-kamay ng lahat ang edukasyon.

Pinakamayor sa ating mga hamon ang pangangailangan  na dapat  talikuran ang mga patakarang neoliberal ng denasyunalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon, at liberalisasyon sa edukasyon. Kailangang tiyakin ang katangiang pambansa, siyentipiko at pangmasa ng edukasyon para sa mamamayan .Inihanay din natin  natin ang mga prayoridad sa larangan ng edukasyon na dapat harapin ni Pangulong Aquino

Bigyan ng pinakamataas na prioridad sa pambansang badyet ang edukasyon ayon sa nakasaad sa Saligang Batas.

Tiyakin na makatatapos ng elementarya at hayskul ang lahat ng kabataan.

  • Ipatupad ang libreng preschool para sa lahat.
  • Doblehin ang bilang ng mga hayskul sa buong kapuluan.

Gawing abot-kaya ang edukasyon sa antas kolehiyo.

  • Itigil ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng mga State Universities and Colleges.
  • Paglaanan ang mga ito ng sapat na pondo.
  • Ipatupad ang regulasyon sa mga pribadong paaralan.

Punuan ang mga kakulangan sa guro, klasrum, libro, at iba pang rekursong pampaaralan. Isulong ang edukasyong pambansa at siyentipiko

Palakasin  ang pagtutuo ng makabayang kasaysayan at kultura at paglilingkod sa sambayan sa kurikulum, at  Itaguyod ang paggamit ng  wikang Filipino at mga lokal na wika at isulong ang angkop na paraan ng pagtuturo

Iayon ang sistema ng edukasyon sa mga pangangailangan ng pambansang industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.
Itaguyod ang karapatan at kagalingan ng mga guro at kawani sa edukasyon.

  • Itaas sa Salary Grade 15 ang mga pampublikong guro at itumbas dito ang suweldo ng mga pampribadong guro.
  • Pondohan nang sapat at ipatupad ang Magna Carta for Public School Teachers.
  • Irespeto ang  job security ng kaguruan. Ipatupad ang mahigpit na regulasyon sa kontraktwal-isasyon sa sektor ng edukasyon.

Itigil ang mga pampulitikang pamamaslang! Ibasura ang Oplan Bayanihan

Hustisya para kina Napoleon Pornasdoro, Vitoria Samonte, Mark Francisco, at iba pang biktima ng paglabag sa karapatang pantao!

Napakalinaw ng nilalaman ng Agenda ng Mamamayan sa Edukasyon. Nakatuntong sa katotohanan ang husga ng mga guro at ng sektor sa edukasyon kung bakit bagsak ang ibinigay na grado kay Aquino sa pagtatapos ng ikalawang taon ng kanyang  panunungkulan bilang Pangulo  Sa mga kritikal inputs sa edukasyon, lumala pa ito dahil sa programang  K to 12 na mali ang oryentasyon, minadali , walang kalidad at dagdag na pahirap sa esensya.

Ang pwersahan at iresponsableng pagpapatupad ni PNoy ng K to 12 ay pagsunod lamang sa mga dikta ng dayuhang monopolyong bangko, korporasyon at gobyerno sa larangan ng edukasyon. Patuloy ang krisis sa shortages sa bilang ng mga teachers, classrooms, chairs, textbooks, instructional materials, water & sanitation facilities, atbp. na ibayong pinalala ng pwersahan at iresponsableng pagpapatupad ng K to 12 ni PNoy.

Mula sa pinakahuling tala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), 132,483 ang kakulangan sa teachers, 97,685 ang tinatayang kakulangan sa classrooms, at 153,709 ang kakulangan sa mga sanitation facilities ngayong akademikong taon.

Ngayung  2012, naglaan ang rehimeng Aquino ng P239 bilyon para sa DepEd, katumbas ng P7/araw para sa isang estudyante. Sapat lamang ito para tugunan ang 27% ng pangangailangan para sa bagong mga klasrum, 20% ng kakulangan ang mahigit P100 bilyon na kinakailangan para sa dagdag na gastos para sa programang K to 12.

Ang net elementary participation rates ay patuloy na bumagsak mula sa 90.1% noong 2002 pababa sa 88.1% nitong 2010. Ayon mismo sa DepEd, mula sa 100 Grade 1 students, 66 lamang ang nakakatapos at 58 lamang ang nakakapasok sa high school; 43 lamang ang nakakatapos ng high school at 23 ang nagtutuloy sa kolehiyo, samantalang 10 ang kumukuha na lang ng vocational. 14 mula sa 23 college students at 7 lamang sa 10 vocational students ang makakapagtapos.

Ibayo ring palalalain ng K to 12 ang unequal access to education sa pagitan ng mahirap at mayaman. Noong 2007, sa elementary ay 91.8% ang participation rate mula mayayamang pamilya, samantalang 85.9% naman mula sa mahihirap na pamilya; sa high school naman ay 76.5% mula sa mayayamang pamilya, habang 51.4% naman mula sa mahihirap na pamilya.

Sa pamamagitan ng K to 12 ay pwersahan nang ipinapatupad ni PNoy ang anti-guro at mapagsamantalang iskema nito ng malawakang kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng pagkuha at paggamit sa 20,000 volunteer kinder teachers na pasasahurin lamang ng P3,000 per class sa isang buwan. Sukdulan itong pagsasamantala sa mga volunteer teachers na ang pasahod ay mas mababa pa ng 4 na beses sa tinakda ng minimum wage law.

Napakababa rin ang target badyet ni PNoy para sa edukasyon para sa 2013 hanggang 2017 na lumalaro lamang sa 2.7% hanggang 3.3% sa maksimum ng GDP. Isa itong napakalinaw na indikasyon na wala talagang kaseryosohan si PNoy sa pagreporma ng edukasyon at talagang walang kalidad itong K to 12 ni PNoy.

Sa pamamagitan ng K to 12 ni PNoy, ang sistema ng edukasyon ay itinutugma sa mga pangangailangang itinakda ng mga dayuhang multinasyunal na bangko’t kompanya.Nakabalangkas ito sa patakaran ng neoliberalismo at imperyalistang globalisasyon na malaon nang napatunayang bangkarote at kontra-kaunlaran.

Sa K to 12 ni PNoy, ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay patuloy pa ring gagamitin upang sanayin ang mga batang Pilipino para maging di mauubusang balon ng mura at supil na semi-skiled at skilled na lakas-paggawa at ng papalaki pang hukbo ng mga binabarat na unemployed o underemployed na lakas-paggawa ng mga nagsasabwatang lokal at dayuhang bangko’t korporasyon.




Patuloy ring magsisilbi itong K to 12 ni PNoy sa programa ng pag-eeksport ng lakas-paggawa bilang makitid na solusyon sa malawak na problema ng disempleyo at sa desperadong pagsandig ng gobyerno sa dollar remittances ng lumolobong bilang ng mga OFWs. Kaya talagang nakadepende lamang sa mga pangangailangan at kapritso ng pandaigdigang merkado

Sa  mga nailantad na nating mga kakulangan at walang paghahanda ng gobyernong Pnoy, malinaw na  ang kanyang K12 ay para sa  kapakinabangan ng dayuhang  kapital ,  malaking bilang ng mga  kabataan  na mura at sikil ang lakas paggawa.

Bahagi ito ng neoliberal na polisiya ng dayuhang kapital na hitik sa krisis na maghanap ng murang trabahador para magkamal ng super-ganansyang tubo.

Ubos kaya nating himukin,pukawin at pakilusin ang malawak na bilang  ng  mga mag-aaral,magulang at nga guro kasama ng sambayanan para irehistro ang ating pagtutol at paglaban sa nagbagong disenyo lamang  ng imperyalismo sa edukasyon para panatilihin ang lipunang malakolonyal at malapyudal.

Hanggang hindi nareresolba ang kahirapan at pagiging atrasado ng ekonomya; hanggang walang tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon; at, hanggang naghahari ang korapsyon at kabulukan ng pulitika at mga pulitikong nagsisilbi lamang sa interes ng mga nagsasabwatang malalaking lokal at dayuhang monopolyong bangko, korporasyon at gubyerno – mananatiling makadayuhan, walang kalidad at pahirap lamang sa mga guro, mag-aaral at magulang ang K to 12 ni PNoy at ang kanyang gubyerno.

Sabay sabay nating itambol at ipanawagan ang mga sumusunod para makamit ang nararapat na kalidad ng edukasyong para sa mamamayan at bayan.
  • IBASURA ang Makadayuhan, Walang Kalidad, at Dagdag Pahirap na K12 ni PNoy! IPAGLABAN ang Makabayan, Siyentipiko, Pangmasa at Libreng Edukasyon! 
  • ACT to UPGRADE SALARIES of TEACHERS & EMPLOYEES!
  • NO to CONTRACTUALIZATION of TEACHERS & EMPLOYEES!
  • NO to PRIVATIZATION & COMMERCIALIZATION of EDUCATION!
  • ACT for GREATER EDUCATION BUDGET! 6% of GDP!

Comments