K+12 Commentary by Manggagawa

K+12
Solusyon ni Aquino sa nagnanaknak na edukasyon
by Manggagawa

Sa kanyang pagkandidato sa pagkapangulo, nagbigay-katiyakan si Benigno Aquino III sa Philippine Business for Education (PBEd) — isang grupo ng mga kapitalista para sapagrereporma ng sistema ng edukasyon — na isusulong niya ang 12-year basic education. Isa itong dating panukala na hindi naging popular sa publiko. Nang manumpa siya bilang pangulo, di niya nalimutan ang pangakong ito sa mga kapitalista. Aniya, “palalawigin natin ang batayang edukasyon mula sa napakaiksing sampung taon patungo sa labindalawang taon na siyang istandard na sinusunod sa buong mundo.”

Ayon sa DepEd, ang K+12 o ang sarili nitong modelo na K+6+4+2 ang solusyon sa matagal nang problema ng edukasyon sa Pilipinas. 


Ano ang problemang nakita ng gobyerno?

Ayon sa Discussion Paper na inilabas ng DepEd noong Oktubre 5, 2010 tungkol sa K+12, problema ang mga sumusunod:

1. Mababa ang kalidad ng edukasyon na makikita sa mababang grado ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga pagsusulit. Ang passing rate sa National Achievement Test (NAT) para sa Grade 6 ay 69.21% at sa high school ay 46.38%. Maraming nagtapos ng basic education ang di master sa batayang mga kaalaman. Isang rason ang di nakakakuha ng sapat na instructional time o panahon para sila turuan.

2. Ang resulta ng internasyunal na pagsusulit gaya ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) noong 2003 ay pang-34 ang Pilipinas sa 38 bansang sumali sa HS II Math at pang 43 sa 46 bansang sumali sa HS II Science; sa Grade 4, ang Pilipinas ay pang-23 sa 25 bansang sumali kapwa sa Math at Science. Noong 2008, kahit na mga science high schools na lamang ang sumali sa kategoryang Advanced Mathematics, Pilipinas ang pinakakulelat!

3. Ang siksik (congested) na kurikulum ang isang dahilan ng kasalukyang katayuan ng edukasyon. Ang kasalukuyang basic education ay nakadisenyong pang-12 taon pero itinuturo ito nang 10 taon.

4. Ang kalidad ng edukasyon ay masasalamin sa kakulangan ng kahandaan ng mga nagtapos ng mataas na paaralan sa mundo ng trabaho o pagnenegosyo o sa mas mataas pang pag-aaral. Ang mga nagtapos ng mataas na paaralan ay kulang sa kakayahan; dahil kulang sa edad, ay wala pang malay (immature) sa trabaho o sa negosyo. Idinagdag pa ng DepEd ang dahilang wala pa sa ligal na edad na 18 ang mga nagtapos sa mataas na paaralan para pumirma ng kontrata.

5. Hindi kinikilalang propesyunal sa ibang bansa ang mga nagtapos sa mga kolehiyo ng Pilipinas sapagkat hindi sapat ang ating basic education. May ilang kasunduan gaya ng Washington Accord, na hindi kinikilalalang propesyunal ang mga nagtapos ng Engineering sa ating bansa dahil kulang ang ating basic education. Gayundin ang Bologna Accord kung saan hindi tinatanggap sa mga unibersidad sa Europa ang mga high school graduates dito sa Pilipinas. 

6. Sa suma tutal, nakita ng gubyerno na ang sampung taon na basic education ay kulang at siyang dahilan ng mga nabanggit na problema sa itaas.

Mga batayan ito ng DepEd upang ipasok ang dagdag na 2 taon sa high school o K+12. 

Pero hindi sinabi ng DepEd ang totoo na sa TIMSS ay walang ebidensyang nakita para bigyang-katwiran ang rekomendasyong pahabain ang bilang ng taon ng basic education. Sapagkat ang South Korea na top performer sa pagsusulit sa TIMSS ay singhaba ng Pilipinas ang basic education nito. Ang mga mas mahaba gaya ng Ghana at Morocco na 12 taon, Botswana, Bahrain at Saudi Arabia na 13 taon ay mas mababa pa sa Pilipinas ang score sa pagsusulit. May mga bansa din na mas maikli ang elementary school nila pero mas mataas ang nakuha sa pagsusulit sa TIMMS gaya ng Russia, Latvia, Slovak Republic, Slovenia, Hungary, Bulgaria, Serbia, Romania, Moldova, Italy, Egypt at Iran.


Ang solusyon ng gubyerno ay K+12 kapalit ng 10

Ayon pa rin sa Discusion Paper, ang ibig sabihin ng K+12 ay kailangan nang magtapos ng isang taong Kinder ang bata bago tanggapin sa Grade One. Ang anim na taong elementarya ay tulad din ng dati, hindi gagalawin, gayundin ang apat na taong dating high school na pinangalanang junior high school. Ang idadagdag na dalawang taon ay tatawaging senior high school. At sa huling dalawang taong ito — ika-11 at ika-12 taon ng basic education — ay nilalayon ng gubyerno na “bigyan ng panahon ang mga estudyante na konsolidahin ang natutunan nilang kaalaman at kakayahan. Dagdag pa ng papel, “Ang kurikulum (tinutukoy dito ang dagdag na huling dalawang taon) ay magpapahintulot ng ispesyalisasyon sa science & technology, music & arts, agriculture & fisheries, sports, business & enterpreneurhip, atbp.

Sa suma ng gubyerno, sa pamamagitan ng pinalawig na basic education ay maaari nang makakuha ng mga kasanayang kailangan upang makapasok sa trabaho ang high school graduates o handa na sa pagpasok sa kolehiyo, dito man sa atin o sa ibang bansa.


Di nasipat ng ang totoong problema 

Walang duda na bumubulusok nga pababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ano ang nakitang dahilan ng gubyerno sa pagbaba ng kalidad na nakalista sa discussion paper ng DepEd? Dalawa ang nakita nila pero isa lang ang ibig sabihin: Una. “Isang rason ang di nakakakuha ng sapat na instructional time ang mga mag-aaral o panahon para sila turuan. Ikalawa. “Ang siksik (congested) na kurikulum ang isang dahilan ng kasalukyang katayuan ng edukasyon. Ang kasalukuyang basic education ay nakadisenyong pang-12 taon pero itinuturo ito nang 10 taon.”

Iyon lang ang nakita ng gubyerno na dahilan ng mga problema na susolusyunan nito ng dagdag na dalawang taon na sa kaibuturan ay naglalaman ng vocational courses. 

Kalidad ng edukasyon ang pinag-uusapan dito. Hindi ba alam o sinasadya ba ng gubyerno na di isama sa mga dahilan ng pagbulusok ng kalidad ang iba pang mahahalagang salik sa pagkakamit ng de-kalidad na edukasyon? Anu-ano ang mga ito?

1. Di nakaeengganyo o di kawili-wili sa malayang pagbungkal sa kaisipan ng mga bata at maging sa mga guro ang kalagayan ng mga silid-aralan – kulang na upuan, binabaha, tumutulo ang bubong, luma at marupok, malamok at walang screen, mainit at kulang sa bentilasyon, pangit at delikadong disenyo at mas masahol, sa ilalim ng punong kahoy. Ayon mismo sa datos ng DepEd, higit sa 152,000 ang kulang na classroom para sa taong ito subalit naglaan lamang ng budget para sa 13,000 classrooms Kulang rin ng higit 2.5 milyong silya para sa mga bata at higit 135,000 palikuran ang kailanganin.

Ang kakulangan sa classroom ay nangangahulugan ng pagtaas ng class size o bilang ng mga bata sa isang klase, doble trabaho ito sa ating mga guro.

2. Di nabibigyan ng guro ng sapat na atensyon ang bawat bata dahil sobra sa normal na bilang ng mag-aaral ang 50-80 bawat klase.

3. Nakadadagdag sa mabagal na pag-unawa o kapos na pag-unawa sa paksa ang malaking kakulangan ng mga gamit sa pagtuturo ng mga guro at kapos na gamit sa pag-aaral ng mga bata na dapat ay ibinibigay sa kanila ng gubyerno. Ang kakulangan sa mga instructional materials gaya ng mga aklat, modules, visual aids at iba pa ay nangangahulugan naman na mismong ang mga guro mula sa kanilang maliit na sahod ang kailangang gumastos upang magkaroon ng maayos na teaching aids.

4. Ang mga librong namumutiktik ng mga pagkakamali na isinusuplay ng mga paboritong kapitalistang kontraktor ng gubyerno ay nagpapahina hindi nagpapatalino sa mga bata.

5. Ang malnourishment at undernourishment na laganap sa mga bata sa pampublikong paaralan ay di lang nakakaapekto sa kanilang pag-iisip at pisikal na paggalaw kundi maging sa kanilang emotional development. Di man lang naisip ng DepEd ang napakaimportanteng papel ng nutrisyon sa pagluluwal ng produktibong mamamayan. 

6. Ang kalagayan ng mga guro na pinakamababa ang sahod at benepisyo sa mga propesyunal na kawani ng gubyerno na di magkasya sa pangangailangan ng pamilya, ang ala-diktadurang sistema ng pamamahala mula sa Deped central office pababa sa mga guro; at kakapusan ng ibinibigay ng gubyerno na angkop at lapat sa kalagayan ng mga bata, ng lahatang-panig at iba-ibang kategorya ng mga bata, na mga pagsasanay sa mga guro at patuloy na pagpapalawak ng kaalaman sa asignaturang itinuturo at ang di pagpapapatupad ng mismong gubyerno sa espesyal na batas para sa kanila, ang Magna Carta for Public School Teachers o Republic Act 4670 na naisabatas noon pang June 18, 1966. Malayong mas mainam sana ngayon ang katayuan ng mga guro kung ipinatupad ng gubyerno ang batas na ito mula 1966.

Samantala, aabot sa 100,000 guro ang kailangan sa taong ito pero naglaan lamang ng badyet para sa 10, 000 bagong guro. Ang hindi sapat na alokasyon ng badyet upang mag-hire ng mga permanenteng guro ay nangangahulugan ng mas mabigat na trabaho sa mga guro. Sapagkat ang dapat sana’y gawain ng dalawa o tatlo ay ginagawa lamang ng iisa. Gayundin maraming mga guro ang kapit-sa-patalim na tinatanggap ang napakaliit na pasahod ng mga lokal na pamahalaan bilang volunteer teacher, job-order  o locally-paid teacher na patunay sa talamak na kontraktwalisasyon sa hanay ng mga pampublikong guro.

Sa taong ito, tinatayang kulang-kulang dalawang milyong bata ang papasok sa kinder. Mangangailangan ang gobyerno ng 25,686 guro upang magturo sa mga bata. Pero bumibilang lang ng 2,800 ang mga guro sa kinder. 

Ang kakulangang ito ay reresolbahin sa pamamagitan ng pag-upa sa mga tinatawag na volunteer teachers. Batay sa DepEd Order No. 37, s. 2011, nakatakdang lumobo ang bilang ng contractual teachers. Sila ay mga gurong magtuturo na walang seguridad sa trabaho at pasasahurin lamang ng P3,000 hanggang P6,000 kada buwan. Sila ang mga gurong nakatakdang magpatupad ng inisyal na programa ng K+12. 

7. Ang pangangailangan ng ebalwasyon sa kurikulum. Hindi ng World Bank at iba pang dayuhang nagpapautang sa gubyerno nang may kondisyones na pabor sa mga nagpautang. Hindi ng mga grupo ng kapitalistang tila buwitreng nag-aabang ng masisila sa bawat oportunidad na makikitang mapagtutubuan ng malaki sa sistema ng edukasyon. Kundi ng mga Pilipinong eksperto at may sinserong adhikain sa ikabubuti ng edukasyon, sa partikular at sa kapakanan ng bansa, sa pangkalahatan.

8. Ang mababang badyet sa edukasyon na katumbas lang ng 3.2% ng GDP o gross domestic product o yamang likha ng paggawa sa loob ng bansa na hindi sumasabay sa international benchmark na 6% ng GDP. Maliit na nga ang GDP ng ating bansa kumpara sa ibang bansa, mas maliit pang porsyento nito ang halagang inilalaan sa edukasyon. At paglipas ng mga taon, pababa nang pababa ang porsyentong inilalaan dito.

Wala nang pinakamainam na kalagayan ang magluluwal ng de-kalidad na edukasyon sa ating bansa kundi ang paglutas sa mga problema ng walong mahahalagang salik na nabanggit sa itaas. 

Ang totoong mga problemang ito ay di malulutas ng dagdag na 2 dalawang taon sa high school ng pormulang K+12 ni Aquino, na pangunahin ay elective vocational subjects.

Ito ang malaking tanong? Bakit ang 8 na ito ay hindi isinama ng DepEd sa listahan ng mga problema? Problemang dapat hanapan ng lunas. Lunas na dapat ay agaran o asap bago tuluyang malugmok ang sistema ng edukasyon sa bansa. Hindi ba nila ito alam? Alam na alam ito ng Deped. Lalong alam na alam ni Aquino sapagkat kasama ang ilan sa mga ito sa video ng kanyang kampanya noong nakaraang eleksyon. Maliban kung nalimutan na niya!

Ito ay sapagkat ang nais lang nitong magawa ay dagdagan ng 2 taon ang high school para sa vocational subjects na tinawag ng gubyerno na espesyalisasyon!


Di rin natumbok ang tamang solusyon

Lumilitaw ngayon na ang solusyong K+12 ni Aquino ay di sumasagot sa mismong dahilan ng problemang nakita at ipinrisinta ng DepEd at sa 8 problemang matagal ng alam ng marami. Kitang-kita sa discussion paper at briefer na ginawa ng DepEd na di seryoso ang gubyerno na lutasin ang problema ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang nakita ng DepEd na dahilan ng mga problema na isiniksik sa 10 taon ang dapat na itinuturo sa 12 taon kaya di nakakakuha ng sapat na instructional time ang mga mag-aaral ay di sinasagot ng K+12. Walang sinabi ang DepEd kung ano ang gagawin sa kurikulum ng Grades 1-6 at Junior High School 1-4. Ang maliwanag ay ang dagdag na dalawang taong Senior High School — lalagyan ng bagong kurikulum na pawang vocational subjects. Kung puno na ng vocational subjects ang dagdag na dalawang taon, saan pa nila isisingit ang sobrang mga paksa sa 10 taon sakali mang maisipan nilang hati-hatiin (spread) ang dating kurikulum sa 12 taon para makatanggap ang mga mag-aaral ng sapat na instructional time? Kung gayon, mananatili ang dahilan ng mga problema na nakita ng DepEd; at mananatili rin ang 8 problema na iniwasan nitong iprisinta.

Kung totoong lulunasan ang problema ng congested curriculum batay sa prisintasyon ng DepEd at hahati-hatiin ito sa 12 taon, mawawalan naman ng lugar ang mga bago at vocational subjects na gustong isama ng gubyerno. At dahil ang totoong dahilan ng K+12 ay para maipasok sa kurikulum ng high school ang vocational courses, hindi gagalawin ang dating congested na kurikulum na itinuturo sa 10 taon. Malaking panloloko ang K+12!

Lulutasin ba ng dagdag na dalawang taong vocational subjects sa high school ang problemang 6 lang sa 1,000 Grade Six ang may kakayahang tumuntong sa high school na nakita sa isinagawang High School Readiness Test noong 2004 na hanggang ngayon ay di pa nagagawan ng solusyon? At 2 lang sa 100 fourth year high school ang may kakayahang pumasok ng kolehiyo batay sa resulta ng NAT ng taon din na iyon?

At lalong di malulutas ng K+12 ang 8 problemang di ipinrisinta ng Deped.


Ano kung gayon ang totoong intensyon ng K+12 ni Aquino? 

Kahit alam na alam ni Aquino at ng kanyang DepEd ang mga problema ng 8 mahahalagang salik sa kalidad ng edukasyon ay di nila ito isinama sa rationale o batayan ng pagpasok ng K+12 sa basic education system ng bansa. At kahit ang dahilan ng problema na nakita at ipinrisinta ng DepEd ay hindi malulunasan ng K+12. Ito’y sapagkat di naman nila intensyon na lunasan ang nagnanaknak na sistema ng edukasyon. Ang sinusolusyunan ng K+12 ay ang kakapusan ng skilled workers na problema ng mga kumpanya ng mayayamang bansa dito sa Pilipinas at sa ibayong dagat. Ang K+12, kung gayon, ay para sa mga kapitalista dito sa bansa at sa abroad. 

Ang dagdag na dalawang taon sa high school at compulsory kinder ay karagdagang merkado para sa mga kapitalista sa edukasyon—mga paaralan at mga kalakal na gamit sa paaralan. Dahil ang malaking bahagi ng PBEd o Philippine Business for Education na humiling kay Aquino na pahabain ang basic education ay nasa negosyong pang-eskwelahan. Ang direktang epekto ng K+12 ay ekstensyon at/o ekspansyon ng negosyo at merkado ng mga kapitalista-edukador. Mas mahabang panahon ng pag-aaral mas malaking tubo mula sa parehong mga konsyumer ng serbisyong edukasyon. Isa pa, kung magiging sapilitan ang kinder sa basic education, lalong lalaki ang merkado sa pre-school pa lang.

Kasama rin diyan ang privatization ng education na naka-linya sa GATS o General Agreement on Trade and Services na ipinilit ng mayayaman at makapangyarihang mga bansa sa mahihirap na mga bansa sa pamamagitan ng World Trade Organization o WTO; at ang “liberalization of education” at pagturing sa edukasyon bilang kalakal kaya libre nang pumasok ang kurikulum ng mga international tertiary institution sa Pilipinas sa pamamagitan ng pakikipagsosyo sa mga lokal na kolehiyo. Ito ang dahilan kaya patuloy na lumiliit ang share ng public education sa national budget. Kaya dumarami ang mga pribadong paaralan lalo sa kolehiyo at technical-vocational nang walang regulasyon ang gobyerno. Lalala ito kapag natuloy ang K+12 dahil isa sa hangarin nito ay ang pagbibigay ng pondo ng gubyerno sa mga pribadong paaralan.

Ang 2-taong elective vocational courses ay paniyak ng gubyerno sa masaganang suplay ng skilled pero mababang sweldong manggagawa hindi para sa pagpupundar ng sariling industriya dito sa bansa kundi para pang-akit sa mga nililigawan nitong dayuhang kapitalista. At higit sa lahat upang mai-export sa ibang bansa. Ang remittance ng mga OFW (18 bilyong dolyar noong 2010 at patuloy na lumalaki) ang isa sa mga pangunahing inaasahan ng gubyerno na pagkukunan ng buwis at perang bumibili at nagpapasigla pa sa lokal na kalakalan at sa buong ekonomya. Kung wala ang remittance na ito, malamang na bumagsak ang ekonomya ng Pilipinas.

Kaysa ipundar ang sariling matatag na industriya at modernisadong agrikultura para sa mga magsasaka at para sa sariling ekonomya sa kabuuan, ang pinili ni Aquino ay ang mas madaling gawin. Mas madaling gawin ang magsuplay na lang ng murang lakas-paggawa sa world labor market kaya iniaayon niya dito ang padron ng edukasyon ng ating bansa. Sa madaling salita, ang K+12 ang paraan ni Aquino para gawing pabrika ng murang lakas-paggawa ang sistema ng edukasyon ng ating bansa.

Comments