K to 12 Program ng Gobyerno ng Pilipinas


MGA TANONG AT SAGOT HINGGIL SA Kto12 PROGRAM NG GOBYERNO NG PILIPINAS




MGA TANONG AT SAGOT HINGGIL SA Kto12 PROGRAM NG GOBYERNO NG PILIPINAS
(Paunawa: Simpleng lenggwahe ang ginamit sa artikulong ito upang madaling maintindihan ng mayorya.)

For the full English version please visit http://www.scribd.com/david_juan_1/d/70033985-San-Juan-David-Michael-Full-Paper-Kto12

TANONG: ANO ANG KTO12 PROG­­­RAM?­­­­
SAGOT: Ang Kto12 Program ng gobyerno ng Pilipinas ay tumutukoy sa pagkakaroon ng mandatory o required na kindergarten at karagdagang 2 taon sa dating 10-year Basic Education Cycle. Kung noon, pagkatapos ng anim na taon sa elementarya at apat na taon sa hayskul (kabuuang 10 taon) ay maaari nang makapagkolehiyo ang mga estudyante. Sa ilalim ng Kto12, bago makapagkolehiyo, kailangan pa nilang dumaan sa karagdagang 2 taon pagkatapos ng apat na taong hayskul. Sa bagong sistema, tinatawag na senior high school o junior college ang karagdagang 2 taon. Ang apat na taon ng hayskul sa lumang sistema ay tinatawag naming junior high school. Sa kabuuan, Grade 1-12 ang opisyal na tawag sa 12 taon ng Basic Education sa ilalim ng Kto12.

TANONG: AYON SA GOBYERNO, BAKIT DAW KAILANGANG MAGDAGDAG NG 2 TAON SA BASIC EDUCATION?
SAGOT: Mababa raw ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas at sa pamamagitan daw ng Kto12 ay mapatataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

National Achievement Test Results

Sa buong Southeast Asia raw, ang Pilipinas na lang ang may 10-year Basic Education Cycle (ang ibang bansa ay may 11-12 taon sa Basic Education Cycle). Sa buong mundo, ang Pilipinas daw ang isa sa 3 bansa na may 10-year Basic Education Cycle. Sa lumang sistema raw, pagkagraduate ng hayskul ay di pa rin handa para magtrabaho ang mga estudyante (masyado pang bata para makapagnegosyo at iba pa). Hindi rin daw handang magkolehiyo ang maraming graduate ng hayskul sa lumang sistema.

Dahil daw sa lumang 10-year Basic Education Cycle ay hindi kinikilala o nirerecognize ng ibang bansa ang mga propesyunal na grumaduate sa Pilipinas. Sa Amerika, kailangan daw ang 12 taon ng Basic Education para sa mga engineer. Sa Europa naman, kailangan daw ng 12 taon ng Basic Education para sa mga gustong mag-aral sa mga unibersidad doon at para sa mga gustong magtrabaho bilang propesyunal doon.

TANONG: KAILAN MAGSISIMULA ANG KTO12 PROGRAM?
SAGOT: Nagsimula noong School Year 2011-2012 ang pagkakaroon ng kindergarten sa mga pampublikong paaralan. Ngayong School Year 2012-2013 ay sisimulan na ang implementasyon ng Kto12 curriculum sa Grade 1 (elementarya) at Grade 7 (unang taon sa junior high school). Unti-unting ipapatupad ang Kto12 curriculum hanggang sa makagraduate ang unang batch ng senior high school sa School Year 2017-2018.  Batay sa plano ng gobyerno, sa School Year 2018-2019 pa lang makapagsisimulang kumuha ng bachelor’s degree sa kolehiyo/unibersidad ang unang batch ng senior high school na dumaan sa Kto12.

TANONG: MAAYOS BA ANG PREPARASYON NG GOBYERNO BAGO IPATUPAD ANG KTO12?
SAGOT: Maraming naging problema nang agad na ipinatupad ang mandatory kindergarten: kulang ng silid-aralan, kulang ng guro at mababa lang din ang sweldo ng mga guro sa kindergarten. Ngayong School Year 2012-2013, ayon sa ACT Teachers Partylist,  kulang ng 132,483 guro, 97,685 silid-aralan at 153,709 pasilidad sa tubig at sanitasyon ang mga pampublikong paaralang elementarya at hayskul sa Pilipinas. Mismong ang Department of Education ay umaamin na may kulang pa ring guro at pasilidad ang mga pampublikong paaralan dahil sa kakulangan ng pondo.

Samantala, may problema rin ang Kto12 curriculum na ipapatupad ngayong School Year 2012-2013. Una, minadali ang paggawa sa curriculum na ito (ngayong summer lang ng 2012 ito ginawa). Mas malala ang problema sa hayskul dahil noong 2010 ay may inilabas nang curriculum ang DepEd. Kumbaga, mainit-init pa ang 2010 curriculum ay may bago na naman ngayon kaya laganap ang pagkalito ng mga guro at maging ng mga administrador. Sa katunayan, di pa tapos ang implementasyon ng 2010 curriculum sa hayskul (ang curriculum na ito’y tinatawag na 2010 Secondary Education Curriculum o 2010 SEC). Pinupuna rin ng ibang guro ang pag-adopt ng ilang bahagi ng Kto12 curriculum sa mga tema ng isang institusyong pang-edukasyon sa Amerika gaya ng nangyari sa draft ng curriculum para sa Araling Panlipunan.

Sa kasalukuyan (as of May 28, 2012), tumatanggap pa rin ng suhestyon atbp. ang Bureau of Secondary Education ng DepEd hinggil sa curriculum ng 3rd Year sa hayskul sa ilalim ng 2010 SEC na ayon sa website nila ay “DRAFT” pa lang. Tumatanggap pa rin sila ng suhestyon hinggil sa Kto12 curriculum para sa Grade 7-12 (samakatwid, “draft” lang din ang Kto12 curriculum). Sa kabuuan, ang prosesong sinunod sa pagbubuo ng Kto12 curriculum ay top-down: mga eksperto ang namamahala sa pagbuo ng curriculum at halos walang papel ang mga simpleng gurong aktwal na nasa field.

Problematiko rin ang kasabay na pagpapatupad ng Kto12 at ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ng DepEd: hati ang oras at resources ng ahensya para sa training ng mga guro.

TANONG: MAGKANO ANG MAGAGASTOS SA IMPLEMENTASYON NG KTO12 AT SAAN KUKUHA NG PERA ANG GOBYERNO PARA RITO?
SAGOT: Tinatayang 150 bilyong piso ang magagastos para sa karagdagang guro, libro at klasrum pa lamang. Hanggang ngayon, di pa rin nililinaw ng gobyerno kung saan kukunin ang ganitong kalaking pera. Suportado (at talagang matagal nang itinutulak) ng World Bank ang Kto12 Program kaya may posibilidad na sa karagdagang utang manggaling ang pera para sa Kto12. Kamakailan, lumabas din ang balita na inirerekomenda ng World Bank sa gobyerno ng Pilipinas na magtaas at magdagdag ng bagong buwis. Kung hindi utang, karagdagang buwis ang pagmumulan ng pondo para sa Kto12 dahil wala namang ibang source ang Pilipinas.

TANONG: MAY PLANO NA BA ANG GOBYERNO PARA SA MGA KOLEHIYO/UNIBERSIDAD NA POSIBLENG MAWALAN NG ESTUDYANTE MULA SCHOOL YEAR 2016-2017 HANGGANG 2017-2018 DAHIL SA KTO12?
SAGOT: Wala pang malinaw na plano ang gobyerno hinggil dito. Gayunman, ayon sa mga forum/talakayan, gagamitin ang pasilidad ng mga kolehiyo/unibersidad na ito para sa implementasyon ng senior high school. Ang mga guro ng mga institusyong ito ay pwede ring pagturuin sa senior high school.

TANONG: MAAARI BANG MAGTURO SA JUNIOR AT/O SENIOR HIGH SCHOOL ANG MGA PROPESOR/INSTRUKTOR NA WALANG LET O HINDI KUMUHA/HINDI PASADO NG LICENSURE EXAMINATION FOR TEACHERS?
SAGOT: Wala pang malinaw na sagot ang gobyerno hinggil dito. May mga nagsasabing papayagan silang magturo basta may sapat nang bilang ng taon ng pagtuturo noon sa kolehiyo/unibersidad.

TANONG: ANO ANG EPEKTO NG KTO12 SA KOLEHIYO/UNIBERSIDAD, PARTIKULAR SA MGA KURSO/COURSES?
SAGOT: Hanggang ngayon, wala pang malinaw na detalye hinggil dito. May nagsasabing iikli ang bilang ng taon ng kolehiyo/unibersidad dahil ang ibang General Education subjects (gaya ng Filipino, English at History) ay isasama/ililipat na sa senior high school. May nagsasabing ganoon pa rin ang bilang ng taon ng kolehiyo/unibersidad pero mababawasan ng ilang General Education subjects ang kukunin ng mga estudyante roon.

TANONG: DAPAT BANG IHINTO ANG IMPLEMENTASYON NG KTO12?
SAGOT: Batay sa mga nabanggit na problema at kawalan ng malinaw at komprehensibong plano ng gobyerno hinggil sa implementasyon ng Kto12, dapat pansamantala munang itigil ang implementasyon nito para hindi masayang ang pera at pagod ng DepEd at ng mga guro at iba pang mga mamamayang kasangkot sa implementasyon nito. Dapat unahin ng gobyerno ang mga kakulangan sa 10-year Basic Education Cycle bago magdagdag ng taon dahil kung basta na lamang magdaragdag ng taon nang hindi pa naaayos ang 10-year Basic Education Cycle, tiyak na lalo lamang gugulo ang sistema at baka nga lalo pang bumaba ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Kung tutuusin, wala ring sapat na pera ang gobyerno para sa Kto12 sa panahong ito. Ni hindi nga mailaan ng gobyerno sa edukasyon ang 6% man lamang ng Gross Domestic Product ng bansa para makasunod sa standard ng United Nations. Katunayan, mula noong administrasyong Macapagal-Arroyo hanggang sa panahon ng ikalawang administrasyong Aquino, pagbabayad ng utang at hindi edukasyon ang prayoridad ng gobyerno sa National Budget (kahit na nga labag ito sa Konstitusyon).

Gayundin, dapat bigyang-diin na ang ibang dahilan sa pagpapatupad ng Kto12 (halimbawa’y ang pagpapattern ng ating education system para sa pangangailangan ng Amerika at Europa) ay mali per se. Bakit dapat magproduce ng mga propesyunal ang Pilipinas para sa pangangailangan ng Amerika at Europa lamang? Hindi ba dapat na ang mga propesyunal na graduate sa Pilipinas ay suitable ang skills sa bansa nila mismo para makatulong sila sa pag-unlad nito? Para saan nga ba o para kanino ang edukasyon? Iyon ang unang dapat sagutin at mali ang sagot ng Kto12 sa tanong na iyon. Kaya, sabi nga ng sikat na Bible study guides, “TEKA MUNA!” Bago mag-Kto12 baka mas magandang mag-usap-usap muna tayo (gobyerno, mga guro, mga magulang, mga estudyante at mga mamamayan).

-          Institute of Nationalist Education and Republican Democracy (INERD)  Mayo 28, 2012

Comments

  1. Marc Kevin FrondozoMay 22, 2014 at 11:41 PM

    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!

    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/ 3

    ReplyDelete
  2. ask ko lang kung ano requirements sa pagtuturo ng senior high school kung pwede po yung mga tapos ng skilled sa tesda na holder ng NC2 o yung may elligibility sa civil service na tapos ng tesda tulad ng building wiring electrcian?

    ReplyDelete

Post a Comment