"Bear in mind that the wonderful things you learn in your schools are the work of many generations, produced by enthusiastic effort and infinite labor in every country of the world. All this is put into your hands as your inheritance in order that you may receive it, honor it, add to it, and one day faithfully hand it to your children. Thus do we mortals achieve immortality in the permanent things which we create in common." - Albert Einstein

Friday, November 23, 2012

K+12 at ang Batayang Krisis sa Edukasyon



Umani ng batikos ang panukala ng Administrasyong Aquino hinggil sa karagdagang taon sa batayan at sekundaryang edukasyon dahil sa mga kakulangan sa sektor, at sa kadahilanang di handa ang bansa sa pagsuong ng ganitong uri ng reporma sa kasalukuyang estado nito. Sinabi ni Bro. Armin Luistro sa isang National Education Forum noong Mayo 2011, “When media asked me what is the one basic problem in education, it’s not building classrooms and hiring teachers. The root caused is really the program and the curriculum.”
Ayon kay Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist, mismong ang datos na ng Kagawaran ng Edukasyon ang magpapatunay na batayan at pangunahing problema ng sistema ng edukasyon sa bansa ay ang kakulangan sa guro, silid-aralan, upuan at sanitasyon at patubig. Ayon sa kagawaran umaabot sa 101,612 na guro ang kulang, 66, 800 silid-aralan, 2,573,212 upuan, at 135,847 patubig at sanitasyon.
Ang unang taon ng implementasyon ng Universal Kindergarten noong nakaraang taon ay dagdag pang patunay sa kawalan ng kahandaan ng gobyerno para sa K+12. Naglabas si Sec Luistro ng Deped Order No 37 “Policies and Guidelines on the Implementation of the Universal Kindergarten Education for SY 2011-2012” kung saan nakasaad;
  • Schools without Kindergarten classrooms shall utilize available classrooms, library, science laboratory, home economics building, resource center, and other available spaces.
  • In cases where classrooms and other spaces are not available within the school premises, school heads are urged to link with the Local Government Units (LGUs) for the use of existing day care centers and/or barangay halls.
Matapang na pinuna ni Tinio ang palisiyang ito, “ganito ba ang patakaran ng isang matinong gubyerno? Hihikayating mag-enrol ang lahat ng 5 taong gulang kahit wala palang klasrum na paglalagyan, kaya pagkakasyahin na lamang sa kung saan, “any available spaces?”
Dagdag pa niya, Upang tugunan ang kakulangan ng kinder teachers, itinatakda ng Deped Order no 37 ni Sec Luistro na gagamit ang Deped ng Kindergarten Volunteer Teachers. Ayon sa order, ito ang requirements para maging volunteer teacher:
  •     Bachelor’s degree holder in education or education related courses
  •     Preferably resident of the community where the school is located; and
  •     Registered as volunteer in the school and/or division office.
Sinabi ni Tinio na, “Kapansin-pansin na hindi hinihingi ng Deped ang Lisensya mula sa PRC, na makukuha lamang ng mga education graduate na pumasa sa Licensure Examination for Teachers. Sa madaling sabi, patakaran ngayon ng Deped na kumuha ng mga unqualified and unlicensed teachers para magturo ng kindergarten. Papayag ba tayo na magtrabaho sa ospital ang isang unlicensed nurse? Papayag ba tayo na magtayo ng building o tulay ang isang unlicensed engineer? Bakit pumapayag ang Deped na pagturuin ang mga unlicensed teacher?”. Dagdag pa rito ni Tinio na labag ito sa RA 7836 o Philippine Teachers Professionalization Act of 1994 section 27.
Ibig sabihin, sa K+12 lalo na’t walang matinong pagpondo ang gobyerno ay minimistulang alipin ang mga guro na magtitiis sa mumong sahod at patuloy na pambabansot sa kakayanan ng mga guro na taliwas sa mithiin ng isang kalidad na edukasyon. Nakalulungkot isipin na ganito ang uri ng pamamahala ng ating mga edukador na kung tutuusin ay dapat na lumulubog sa tunay na kalagayan ng sistema.
Pinagtibay ni France Castro, Pangkalahatang Kalihim ng Alliance of Concerned Teachers, ang mala-alipin na kontraktwalisasyon ng mga guro sa Universal Kindergarten. Aniya, sa panayam ng bulatlat.com, “The implementation of the program will create a standing army of reserved teacher-laborers who will be more than willing to offer their services for lower salaries for the sake of getting a job and hoping for tenure later. We are against the DepEd’s plans to outsource the teaching employment through contractualization”.
Sa madaling sabi hindi nakalulutas ng krisis sa sistema ng edukasyon ang programa kung hindi nagtatawid pa ito sa mas malalaking suliranin na siyang dapat igpawan hindi lamang ng mga edukador maging ng mga mag-aaral, guro at mga magulang na direktang maapektuhan nito.
Ang dagdag na taon sa pag-aaral ay panibagong suliraning kakaharapin ng mga magulang lalo pa’t sumasabay din ang pagtaas ng mga bilihin at mababang prayoridad ng pamahalaan sa batayang serbisyo. Ayon sa League of Filipino Students (LFS) kung susumahin ang gastusin mula sa transportasyon, pagkain, at mga kagamitan sa paggawa ng proyekto ng isang mag-aaral ay aabutin ng P20,000/kada taon. Sa kasalukuyang 10 taon ay hirap na at hindi na kaya ng mga pamilyang nagpapaaral ng isang anak lalo pa kaya ang dagdag na taon para rito. Masasabing hindi pa handa ang bansa sa ganitong uri ng palisiya sa edukasyon kahit na ito’y sinasabing magandang paraan upang mapataas ang antas ng edukasyon sa pagpapalawig at pagdebelop ng kasanayan ng mga mag-aaral na kung tutuusin ay pansusog ng Pamahalaang Aquino sa pagsandig sa neo-kolonyal na patakaran.
Dagdag pa ng LFS, ang internasyunal na modelo ng programa ay mayroong rekisito sa implementasyon nito at yun ang paglalaan ng mataas na subsidyo sa sistema ng Pampublikong batayang edukasyon. Ang kabuang badyet sa batayang edukasyon ay hindi halos nabago na taliwas sa sinasabi ng pamahalaan dahil ang P30 bilyong pagtataas sa badyet ng kagawaran ng edukasyon ay alinsunod sa Salary Standardization Law na awtomatikong nakalaan sa taunang pambansang badyet.
Hindi maitatanggi ng pamahalaan ang pagsandig sa dikta ng makapangyarihan at monopolyadong pamamahala ng US-Aquino. Bilang pantugon sa dikta ng globalisasyon ay sinasabing ang Programang K+12 ang siyang magtutulak sa mga Pilipino na mag-ibang bayan o magsilbi sa mga dayuhang korporasyon sa bansa alinsunod sa sinasabi ng pamahalaan na maging “globally competitive” ang mga Pilipino sa iba’t ibang larangan ngunit sa likod nito ay ang pagluluwal ng “cheap and docile labor” at semi-skilled laborers na kabilang sa balangkas ng pamahalaan sa isang “Foreign-oriented Labor Export Policy”. Sa halip na hikayatin ng gobyerno na magkolehiyo ang mga estudyante ay binabansot nito ang posibilidad na kumuha ng mas mataas na antas ng edukasyon ang mga mag-aaral, ang lohika ng gobyerno ay pagkatapos ng sekundarya ay magtrabaho na lamang sila lalo pa kung galing sa mahirap na pamilya. Ito’y pinatotohanan ng pahayag ni Bro. Armin Luistro, kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. Ayon sa artikulong “TESDA, makatutulong sa Kto12 program”, binanggit ng kalihim na target ng Kto12 program na “makapasok sa trabaho o makapagsimula ng ikabubuhay ang nagsipagtapos ng senior high school level.”
Ayon sa pagsusuri ni Sarah Katrina Maramag sa kanyang artikulong “Is the K-12 model good for the Philippine education system?”:
“DepEd says that the poor quality of basic education is reflected in the low achievement scores of students. Results of the TIMSS (Trends in International Mathematics and Science Study), however, negate the connection of the number of years to the performance of students.
According to results of the TIMSS, the length of schooling does not necessarily mean better scores. In fact, some countries with the same or shorter school cycle garnered the highest scores while those implementing the K-12 model or more years of schooling got lower scores.”
Ipinapakita sa resulta ng TIMSS na malinaw na hindi dahilan ang dagdag na taon sa pagsiguro ng isang magandang awtput kung hindi ang kahandaan at ang prayoridad na punan ang kakulangan sa sistema, at hindi ang mga mag-aaral ang dapat sisihin sa mga guwang na ito.
Habang sinasabi ng mga sumasang-ayon sa programang K+12 na nahuhuli na ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya’t daigdig, dalawa ang pinakabatayang suliranin nito. Una, nananatili na pinakabatayang problema nito ay ang batayang pangangailangan para sa sapat na badyet. Hindi handa ang gobyerno para rito. Ikalawa, ang mismong pilosopiya nito na gawin lamang tagapagluwal ng murang lakas paggawa ay isang hindi makataong pilosopiya. Ang pamahalaan pa mismo ang sumasagka sa responsibilidad nitong magbigay ng isang “quality and accessible education” na alinsunod sa konstitusyon ng bansa. Habang pumupustura ito na ang haba ng panahon ng pag-aaral ay mangangahulugang ng dekalibreng edukasyon, isang malaking balintuna ang gobyerno na hungkag na nga sa pagsusubsidyo sa edukasyon ay higit pang hungkag sa pilosopiya ng edukasyon.

Sanggunian:
League of Filipino Students (n.d.). “Manifesto of Unity Opposing the Enhanced K+12 Currriculum of the Department of Education”.
Maramag, Sarah Katrina. “Is the K-12 model good for the Philippine education system?” Retrieved February 4, 2012, mula sa http://thepoc.net/thepoc-features/politi-ko/politiko-opinions/10020-k-12-philippine-education-system.html
Silverio, Ina Alleco. “Teachers’ Group Protest Delays in Payment of Kindergarten Teachers’ Salaries.” Retrieved February 4, 2012, mula sa http://bulatlat.com/main/2011/04/15/teachers%E2%80%99-group-protest-delays-in-payment-of-kindergarten-teachers%E2%80%99-salaries/
“TESDA, makatutulong sa Kto12 program.” Retrieved February 4, 2012, mula sa http://www.balita.net.ph/2011/12/tesda-makatutulong-sa-kto12-program/
Tinio, Antonio. “Privilege Speech on School Opening and K+12.” Retrieved February 4, 2012, mula sa http://www.act-teachers.com/rep-antonio-tinios-privilege-speech-on-school-opening-and-k12/

No comments:

Post a Comment